KAYA naman pala hindi kataka-taka na mangibang bansa ang mga negosyanteng nakabase rito sa ating bansa dahil sobra na ang taas ng bayarin sa mga local na pamahalaan. Ito ang ipinarating na sumbong sa akin ng ilang negosyanteng nagbabakasakali sa pamahalaang Aquino na makabawi sa tumatagilid nilang negosyo. Mantakin ba naman ninyo, maraming negosyante sa Gen. Trias, Cavite ang hindi pa nabibigyan ng Business Permit may 4 na buwan na ang nakalilipas matapos kong “Banatan” ang ACP Solid Waste Ma-nagement Corporation. Susmaryusep!
Ito kasing ACP-SWMC ay nanghihingi ng P50,000 kada negosyante bilang kapalit ng certification sa landfill diyan sa Trece Martires City at P4,000 sa hauling fees. At dahil sa sobrang taas na hinihingi ay umalma itong mga negosyante at ang ilan nga ay lumapit sa atin upang maisapubliko ang kanilang karaingan. Agad naman na-ting tinugunan ang naturang usapin sa pamamagitan ng pagsulat noong Pebrero 2, 2012 upang maiparating kay Cavite Governor Junvic Remulla. Ang naturang reklamo ay tinulugan lamang ni Gov. Remulla kung kaya’t hanggang sa ngayon ay wala pang aksyon o kapaliwanagan ang naturang reklamo. Aba Gov. Remulla sir, paano natin mahihikayat ang mga investor kung ganyang binabalewala lamang ninyo ang kanilang mga karaingan. Di ba dapat bilang gobernador nang lalawigan ng Cavite ay agad ninyo itong solusyunan upang ang pananabang ng mga negosyante na magpalawak ng kanilang negosyo ay mapawi?
Marahil hindi lamang itong Gen. Trias ang may suliranin sa panggigipit ng ACP-SWMC sa kasalukuyan. Mukhang moro-moro lamang kasi itong panghihingi ni ACP-SWMC president Alex Panelba ng halagang P50,000 sa landfill certificate at P4,000 hauling fees sa mga negosyante. Kasi nga nang makausap kong muli ang mga nagrereklamo sa naturang bayarin, aba’y maging ako ay nagitla sa kanilang tinuran. Mantakin ba naman ninyo mga suki, na kahit magkano nalang pala ay puwede nang ibigay sa naturang kompanya upang mabigyan ng kapirasong certification na maaring isubo sa Business Permit Office diyan sa Gen. Trias.
Malinaw na pangogotong lamang ito sa mga negosyante dahil kung legal itong hiningi ng Panelba di dapat na magkaroon ng bargaining agreement. At dahil nga sa naamoy ng mga negosyante na pera-pera lang ang katapat ng ACP-SWMC certificate muli na naman silang lumapit sa akin upang muling iparating ito kay Gov. Remulla. At habang iniipit ang business permit diyan sa Gen. Trias, hindi natin ito tatalikuran at uulit-ulitin natin nang magising itong si Remulla. Sayang ang pagkukumahog ni Pangulong Noynoy Aquino sa pag-engganyo sa mga Foreign Investors na magtayo ng negosyo rito sa ating bansa upang mabigyan ng hanapbuhay ang ating mga kababayan upang maisulong ang kanyang “matuwid na landas” at maiahon sa kahirapan ang bansa. Abangan!