Sa puno ng ubas

IPINABABATID sa atin ng mga Gawa ang pagdating ni Pablo sa Jerusalem na sa kabila ng marami niyang naranasang pagsubok ay naging bagong kasapi ng Panginoon at sinikap niyang mapabilang sa mga alagad . Mayroong takot ang ibang alagad dala ng kanilang pagkasaksi sa kanyang maraming kalupitan sa mga kapanalig ni Hesus. Alam nila na inutusan si Pablo ng Emperio Romano na lupilin ang mga taga sunod ni Hesus.

Sa pag-aalinlangan nang marami ay ipinaliwanag ni Bernabe ang pagtawag kay Pablo ng Panginoon. “Sapagka’t napakita sa kanya ang Panginoon at nakipag-usap sa kanya sa daan”. Tinawag ni Hesus si Pablo upang gawing sanga ng Kanyang pag-ibig sa lahat ng  may pananalig. Binigyan si Pablo ng bagong buhay ng Panginoon, siya ay naging alagad at nagpakalat sa Mabuting Balita ng Panginoon.

“Manalig tayo sa Kanyang Anak na si Hesukristo at mag-ibigan”. Ito ang bunga ng pananalig at pag-ibig ayon kay Juan. “Hingin ninyo ang inyong maibigan at ipagkakaloob sa inyo”. Mahalaga ang pananalig, hindi lamang ito sa pagsunod kundi ang pagsasabuhay sa aral ng Panginoon.

Si Hesus ang puno ng ubas at tayo ang sanga. Sa pagtatanim ng Diyos Ama ay binigyan tayo ng katatagan na huwag humiwalay sa puno. Tulad ni Pablo ay tinatawag din tayo upang maging sanga at kabahagi sa pagpapalaganap ng marami pang sanga sa puno ng ubas. Ang Panginoon ay hindi tumitigil sa pagsasaayos sa mga sanga. Kaya bawat isa sa atin ay tinatawag na makiugnay sa punong ubas. Tulad ni Pablo ay marami rin sa atin ang nagtataka sa ating kapwa na naging aktibo sa paglilingkod sa simbahan. May naging pari, madre, missionero, lay minister at marami pa na hindi natin akalain na magiging bagong Pablo sa ating simbahan. Sila rin ay kinasangkapan ni Hesus sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.

Gawa 9:26-31; Salmo 21; 1 Juan 3:18-24 at Jn 15:1-8

Show comments