SABI ng ilan, meron daw $10 million bank account si Chief Justice Renato C. Corona. Todo tanggi naman ang kanyang mga abogado. Simpleng paninira lamang daw ito.
Suhestiyon ko, bakit hindi na lang pumirma si Corona ng isang waiver na magbibigay sa banko ng karapatan upang ipakita sa impeachment court ang lahat nang deposito niya lalo na ang mga dollar at iba pang pana-nalapi upang makita ang nagsasabi ng totoo. Simpleng solusyon na pilit na pinagugulo ng mga abogado pero madaling maintindihan ng ordinaryong mamamayan.
Dapat muling buhayin ang panawagan ni Sen. Panfilo Lacson noon na lahat ng opisyal ng pamahalaan ay pumirma ng waiver para hindi sila kasali sa bank secrecy law.
* * *
Sabi ni DILG Secretary Jesse Robredo, tataas ang mga political killings habang lumalapit ang eleksiyon.
Tama siya pero tutukan din sana ng DILG ang pa-tuloy na pagtaas ng kriminalidad sa bansa. Ang mga kaso ng akyat bahay, cell phone snatching, pickpocket, holdup ay masyado nang nagbibigay ng takot sa mamamayan. Ang mga biktima ay ordinaryong tao, hindi ang mga mayayaman o mga opisyal na may bodyguards at nakatira sa exclusive subdivision at hindi rin namimili sa mga palengke at mga masisikip na mall. Marami sa kanila hindi na nagrereklamo sa pulis dahil matagal ang proseso.
Kung hindi ito kayang ayusin ng DILG na may hawak sa PNP, bakit hindi palitan ang pamunuan ng isang opisyal na lilinis dito at kahit paano ay maipaparehas ang kondisyon ng mayayaman at makapangyarihan sa ordinaryong mama-mayan.
* * *
Para sa anumang reaksyon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com