EDITORYAL - Hindi na sana kapos sa classroom
TUWING opening ng school year, lagi nang problema ang kakulangan ng silid aralan sa mga pampublikong eskuwelahan. Sa mahabang panahon, walang matandaan na hindi nagkaroon ng problema sa classroom. Laging kapos. Karaniwan nang tanawin sa mga unang linggo ng pagbubukas ang klase na sa mismong pasilyo ng school nagsasagawa ng klase. Mayroon pa ngang pagkakataon na isang lumang comfort room nagdaos ng klase ang mga bata. At madalas pa na may nagdaraos ng klase sa ilalim ng punongkahoy.
Ngayong school year 2012-2013, inaasahang maraming mag-eenroll sa public school sapagkat maraming learning institution ang magtataas ng matrikula at iba pang bayarin. At tiyak nang kukulangin ang classroom. Maaaring maulit ang karaniwang tanawin tuwing mag-uumpisa ang school year.
Sa Hunyo 4 ang umpisa ng klase batay sa DepEd Order No. 26 na nilagdaan ni Secretary Armin Luistro. At sabi ng kalihim, handa na raw ang tanggapan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Ngayong school year ipatutupad ang K+12 kung saan, magiging limang taon ang high school. Ayon kay Luistro, puspusan na ang pagsasanay ng mga guro para sa paghahanda sa bagong sistema ng edukasyon. Naka-pokus ang DepEd sa pagsasanay sa mga guro na magtuturo ng Science at Math. Naniniwala ang DepEd na magiging matagumpay ang bagong sistema at tatanghaling mahusay ang mga Pilipinong estudyante hindi lamang sa larangan ng Science at Math kundi sa iba pang kaalaman. Maaari nang makipagsabayan ang mga estudyanteng Pinoy sa iba pang lahi hindi lamang sa Asia kundi sa buong mundo.
Maraming hinahangad ang DepEd para sa ikauunlad ng edukasyon ng mga kabataan. Nasa kanilang isipan na ang kabataan ang mag-aangat sa bansa at tatanghaling maunlad. Humahanga kami sa ginagawang pagsisikap ng DepEd. Maaaring “tuwid na landas” ang tatahakin ng mga estudyante sa bagong sistema na ipatutupad.
Maraming pangarap si Luistro para sa mga mag-aaral. Sana kabilang sa kanyang mga magandang pangarap ang pagkakaroon nang sapat na classroom at iba pang pangangailangan ng mga estudyante. Kung may komportableng silid-aralan, tiyak na makadaragdag ito sa maigting na konsentrasyon ng mga bata sa pag-aaral.
- Latest
- Trending