MUKHANG hindi lang sa mga kalsada ng Metro Manila tumitindi ang trapik, kundi pati na rin sa himpapawid! Sinabihan ng mga otoridad ng civil aviation ang mga kompanya ng eroplano na bawasan ang bilang ng kanilang mga lipad para mabawasan na ang antala ng mga lipad, na nirereklamo na nang mga pasahero. Ang sinasabing mga lipad na babawasan ay ang mga domestic na lipad lang. Lumalampas na rin kasi sa kakayahan ng ating paliparan ang bilang ng mga lipad o palapag bawat oras. Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines(CAAP), 36 na take-off o landing bawat oras ang kayang tanggapin ng paliparan. Dahil tila lumakas ang industriya sa pamamagitan ng pagdami ng mga kompanyang eroplano, lalo na yung mga tinatawag na “budget airline”, nagkakatrapik na rin, ika nga, sa ating mga paliparan.
Hindi na nga kakaiba ang maantala ng ilang oras ang iyong lipad. Kung minsan nga ay inaabot ng tatlo o higit pang oras! Natatandaan ko ‘yung sinapit ng mga kapamilya ko nang pauwi na ng Manila galing Cebu. Higit anim na oras naantala ang kanilang lipad. Binigyan na nga sila ng hapunan ng kumpanya para kunswelo na lang! Mahirap ang maantala kapag lipad na ang pinag-uusapan. May mga tao na kailangang maghabol pa ng ibang lipad. Kung maaantala sa isang lugar, apektado na ang kanyang buong schedule, at baka maiwan pa ng ibang eroplano! Hindi maganda iyon at nakakatuyo talaga ng dugo! May mga multa pa naman kapag hindi nakasakay ng eroplano. Nahuli ka na nga, bayad ka pa!
Ito’y isang halimbawa ng pagiging biktima ng sariling tagumpay, ika nga. Napakabilis ng paglaki ng industriya ng eroplano, dahil sa mga “budget carriers” na nag-aalok ng mga murang pamasahe. Tunay nga na may mga okasyon na mas mura pa ang sumakay ng eroplano kaysa sumakay ng bus o barko! Ngunit dumami nga ang mga eroplano, hindi naman lumaki ang airport. Pero ano naman ang benepisyo mo kung maaatraso ka naman nang husto? Ang pera, pwedeng kitain, ang oras, kapag nasayang, hindi na mababalik.
Plano na ring ilipat ang mga maliliit na eroplano at mga helicopter sa ibang paliparan, at hindi na sa NAIA. Lahat kasi sa NAIA nakalagay, pati mga flying school. Marami na ring mga maliliit na eroplano na gumagamit din ng mga runway, kaya ayun, trapik talaga! Dapat na nga. May mga ibang paliparan naman sa bansa, na hindi naman malayo sa Metro Manila. Katulad ng Sangley Air Force Base sa Cavite. Tutal, wala naman masyadong eroplano ang Philippine Air Force, eh di gamitin na rin ng sibilyan ang paliparan!
Panahon na talaga para paluwagin ang NAIA. Umuunlad tayo, kaya dapat pati inprastraktura ay lumalaki rin. Mananaginip na lang ba tayo, o may pag-asang magawa nga ito?