'Madayang metro'
MAKA-ILANG beses nang inoperate ng mga otoridad pero tulad ng inaasahan, back to business na naman ang mga Batingting Boys sa East Avenue, Quezon City. Batingting ang tawag sa aparato na ginagamit ng mga taxi driver para makapandaya sa metro.
Dahil daw sa kumpetisyon at maliit na kita kaya ang ilang kababayan nating nagmamaneho ng taxi, nagagawang manloko at isahan ang kanilang mga pasahero.
Ilang dekada nang ginagamit ang lumang paraan ng pagba-batinting sa mga taxi. Mula dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan, hindi nawala ang ganitong sistema ng pandaraya. Kaya naman kung matiyempuhan ka ng mga dorobong drayber na ito na walang alam sa daan o iyong pupuntahan, ikaw na ang susunod na biktima.
Kapwa taxi driver ng mga kolokoy ang lumapit sa BITAG para isumbong ang kanyang mga nalalaman tungkol sa iligal na gawaing ito. Aminado siya na kalat at lantaran ang mga pagawaang nag-aalok ng serbisyong pagpapalagay ng daya sa metro.
Sa kanto ng Malakas St. sa East Avenue, Quezon City, kaliwa’t kanan ang mga kumakaway at pumapara sa mga nagdaraang taxi. Pero ang pakay lamang ng mga putok sa buho, serbisyong pagpapakabit ng batingting sa mga metro ng taxi.
Agad kaming nagpakawala ng BITAG undercover para kumpirmahin ang isiniwalat ng aming asset.
Kilos prontong nakipag-ugnayan ang BITAG sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Quezon City Police District-Anti Carnapping Division para pagplanuhan ang isasagawang raid operation.
Huli sa akto ang mga pasimuno ng panggagantso na mga Batingting Boys!
Panoorin kung paano nahulog sa BITAG ang mga dorobong nagkakabit ng pandaraya sa mga metro ng taxi mamayang gabi sa TV 5 pagkatapos ng Pilipinas News.
- Latest
- Trending