Amerika neutral sa Phl-China dispute

NAGSALITA na si US State Secretary Hilary Clinton. “Hands off” ang Amerika sa hidwaan ng Pilipinas at China na nag-aagawan sa Scarborough Shoal.

Ibig sabihin, wala itong kakampihan sa alin mang bansang nag-aagawan sa Scarborough. Kamakailan ay naisulat ko na sa column na ito na duda ako kung tutulung nga ang Amerika sa Pilipinas sa usaping ito pabor sa Pilipinas.

Alam naman natin na dumaranas ng matinding krisis sa ekonomiya ang Amerika at trilyong dolyar ang pagkakautang sa China na isa na ngayong “dambuhalang ekonomiya” sa daigdig.

Sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) pormal na idinulog ng Pilipinas ang usapin sa Amerika sa pagasang tutulong ito tulad ng dati.

Napaka-diplomatiko ng tugon ng US State Secretary. Umaasa daw ang naturang bansa na malulutas ang problema sa diplomatikong paraan.

Bukod sa utang na loob ng Amerika sa China, paano mo naman maaasahang susuporta ito sa atin gayung mga Pilipinong militante mismo ang hantarang nagpoprotesta laban dito. Sinusunog ang US flag at pati ang embaha­da sa Roxas Blvd. ay nilapastangan at tinanggalan ng karatula sa isang demonstrasyon noong isang linggo.

Hindi tayo puwedeng magmayabang. Tama ang tinu­ran ni Defence Secretary Voltaire Gasmin kamakailan na kumpara sa China na itinutulad sa malaking elepante, ang Pilipinas ay isa lamang langgam.

Pati nga ang kahilingan ng Pilipinas na resolbahin ang usapin sa isang international forum ay tahasang tinutulan ng China na nagpupumilit na ang Scarborough Shoal ay pag-aari nito gayung ito’y napakalayo sa naturang bansa at napakalapit sa atin.

Masakit tanggapin pero iyan ang totoo. Dinuduru-duro tayo at tinatakot sa sarili nating teritoryo at wala ta-yong maaasahang kaalyado na makatutulong sa atin.

Show comments