Sa nagaganap na girian ngayon sa Scarborough Shoal, ngayon natin nararamdaman ang hina ng ating militar kumpara sa katunggali nating higanteng maton na China! At nararamdaman talaga ang kahinaang ito ng Philippine Air Force (PAF). Walang pangunahing panlaban na eroplano ngayon ang PAF. Hindi na pinalipad ang mga lumang F-5A Freedom Fighter dahil wala nang makuhang mga piyesa para rito, at luma na rin para pakinabangan nang husto. Ang ating mga S-211 naman ay hindi naman talagang mga panlaban na eroplano kundi mga trainer na nilagyan na lang natin ng mga armas! Hindi ito makakapalag sa mga eroplano ng China kung sakaling mauwi na nga sa putukan para sa pag-aangkin nung nasabing lugar sa karagatan.
Malungkot ang estado ngayon ng PAF. Mabibilang na lang sa daliri ang bawat klase ng eroplano na ginagamit ngayon ng PAF. Halimbawa, dalawa na lang yata ang lumilipad nating mga C-130 Hercules, na mahalagang-mahalaga sana para sa isang bansang maraming isla katulad natin. Ang mga OV-10 Bronco natin na panlaban sa mga insurekto ay iilan na rin lang. May mga aksidente nang nagaganap dahil na rin sa kalumaan nung mga eroplano. Mga iba pang eroplano ay bilang na rin, ganun din ang dahilan. Kung hindi luma, wala namang budget para mapanatiling nasa maayos na kundisyon palagi.
Ngayon natin binabayaran ang pagiging pabaya ng mga nakaraang administrasyon sa ating militar, partikular ang PAF. Ang Philippine Navy ay nagkaroon na ng isang bagong barko, yung Hamilton-class cutter na ang BRP Gregorio del Pilar ngayon. Ito yung huhuli sana doon sa walong bangka ng China na nangingisda ng iligal sa Scarborough Shoal, pero hinarang ng dalawang barko ng China. Ang balita ko magkakaroon pa tayo ng isa pang kaparehong barko bago matapos ang termino ni President Aquino. Mabuti naman.
Pero ang ating PAF ang talagang nangangailangan ng mga modernong eroplanong panlaban. Kung dati, ang PAF ang kinatatakutang hukbong himpapawid sa rehiyon, ngayon, sila na ang pinakakawawa kumpara sa ating mga kapit-bahay na bansa. Ang hukbong himpapawid ang una laging sumasabak kapag may potensyal na gulo o banta sa isang bansa. Ngayon, dahil wala nga tayong eroplano, ang mga eroplano naman ng China ang bumubulabog sa ating mga bangka na nasa Scarborough Shoal na wala man lang tumututol sa kanila! Hindi ko alam kung makakayanan ng administrasyong ito na makakuha ng medyo bago-bagong eroplanong panlaban. Sana nga, lalo na ngayon.