Nominasyon bilang Pambansang Artista
Sa aking palagay hindi nanaisin ni Nora Aunor na manomina bilang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng pelikula. Maraming makakalkal na yugto ng kanyang buhay na maaring ikahiya niya sa ngayon -- pagdodroga, pagkabilanggo sa Amerika, bigong relasyon. Si Vilma Santos naman na itinatapat ng movie scribes kay Nora bilang nominee -- para buhayin ang umano’y pagkaribal nila sa kasikatan noong 1960s -- ay umaayaw. Politiko siya ngayon, gobernador ng Batangas, bata pa at marami pang nais marating sa karera ng buhay. Itinutulak niya na hirangin sana ng Cultural Center of the Philippines at ng National Commission for Culture and the Arts si Dolphy.
Aba’y mas dapat ngang ang 84-anyos na King of Comedy ang hiranging National Artist for movies o performing arts. Marami nga siyang naging bisyo noong araw — sigarilyo, alak, babae — pero umabot na siya sa edad na ang tinitignan sa kanya ng madla ay ang kabuoan ng kanyang mga nagawa upang isulong ang sining at kultura.
Walang limitasyon pero bilang na bilang ang ninonombra taon-taon para Pambansang Alagad ng Sining. Ito’y sa larangan ng musika, sayaw, teatro, visual arts (pagpinta, iskultura), panitikan, pelikula’t telebisyon, at arkitektura. Ang kauna-unahang hinirang na National Artist, noong 1972, ay si pintor Fernando Amorsolo.
Pinagkakalooban ng Pangulo ng Republika ang Alagad ng gintong collar of honor ng Order of National Artists. Mayroon ding citation, at itinatanghal sa CCP ang kanilang mga gawa. Tumatanggap sila ng pensiyon habambuhay (minsanang P1 milyon sa pamilya kung patay na), nirere-serba ng upuang pandangal sa mga seremonya, medical at life insurance, at state funeral.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending