AWIT 11:10: Ang takot sa Panginoon ay simula ng karunungan.
Sa usapin ng pananampalataya, may tinatawag na “banal na takot” sa Dios. Natatakot tayong suwayin ang Kanyang utos dahil mahal natin siya.
Sa Christian circle, marami ang namangha sa napakabilis na pagbabago ni People’s Champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao. Sa isang iglap ay naging “instant pastor” siya. Bago pa man nailathala ang kanyang pagyakap kay Jesus Christ, sumulat na ako ng isang artikulo sa kolum na ito tungkol diyan.
Biglang-bigla, tinalikuran ni Bro. Pacman ang pag-endorse ng mga bisyo tulad ng alak, binitiwan ang pag-aalaga ng sasabungin at pagsasabong at nag-pull out ng multi-milyong investment sa isang Casino.
Ang pagiging genuine Christian ni Pacman ay matatawag kong greatest victory niya na nahigitan pa ang pinagsama-sama niyang panalo sa boxing na naghatid sa kanya sa katanyagan sa buong daigdig.
Kung tutuusin, dapat ay nagkaroon si Pacman ng self-deification dahil iniidolo siya ng milyun-milyon sa buong daigdig. Siguro sa umpisa ay ganyan nga dahil nabalitaan natin ang kanyang umano’y pambababae at pagpapatalo ng malaking halaga sa sugal. Nabalitaan na rin natin ang muntik-muntikang paghihiwalay nila ng asawang si Jinky. Ngayon, biglang naging instant preacher si Pacman. Isang taong walang background sa theology ngunit matatas sa pagtalakay sa Biblia. Gawa iyan ng Holy Spirit na nasa kanya.
Sabi ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad na noo’y pinag-uusig sa pangangaral ng salita ng Dios
“When you are arrested, don’t worry about how to respond or what to say. God will give you the right words at the right time.” (Matthew 10:19)
Sana lahat ng tao, lalu na yung mga public officials ay pagharian din ng Holy Spirit na siyang nagbibigay ng “holy fear” na aawat sa bawat isa sa paggawa ng katiwalian kagaya ng karanasan ni Manny Pacquiao. Bagamat ang Christianity ay isang relihiyon, ang pinaka-importanteng sangkap nito ay tunay na relasyon sa buhay na Dios. Kung may relasyon ka sa Dios, siya’y nagiging ama para sa iyo at hindi ka lalabag sa utos niya.