Ang mabuting pastol
NGAYON ang World Day Prayer for Vocations para sa mga magpapari at buhay relihiyoso. Kaugnay ito sa tawag ni Hesus na ang Mabuting Pastol ay “iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa”. Idinagdag pa Niya na meron pa Siyang tupa na wala sa kulungan. Kailangan pa Niya itong alagaan at pakikinggan ang Kanyang tinig. Isang kawan, isang pastol.
Maiuugnay natin ang pastol sa tahanan, simbahan, negosyo, lahat ng sangay ng pamahalaan. Ang buod nito ay isang pastol na sa kanyang pamumuno ay hindi kaila-ngan ang kasikatan, kapangyarihan, dangal, kayamanan at tagumpay kundi pawang kapayapaan, katalinuhan, pagmamahalan, pagtutulungan at pagkakaisa ng bawa’t tupa.
Maitatanong natin kung bakit napakaraming Pilipino na nais maging lider, pinuno, pangulo at kagawad sa pamahalaan? Bakit sa kabila nito ay napakaraming kaguluhan o patayan sa panahon ng election? Marahil ang hinahangad ng karamihan ay salapi sapagka’t sabi nila: “A bad leader doesn’t care about others and seeks only to enrich and empower himself”.
Merong isang kuwento na isang engineer ay nagpari, kaya lahat ng project ng mga simbahan ay siya ang na-ngasiwa. Ang tawag ng lahat ng mga karpintero at mga parishioners ay hindi si Father, kundi si Engineer. Kaya sabi ng isang sumisimba: “Si Engineer ay nagmimisa na”. Isang batang pari naman ang nadestino sa isang liblib na nayon malayo sa kabayanan. Sa una niyang paghahandog ng Misa ay sinabi niya na iyon ang kanyang kauna-unahang assignment bilang pari, wala siyang kaalaman kung paano maitatayo ang isang maliit na simbahan.
Wala siyang alam kundi ipangaral ang Mabuting Balita
at magpakain ng Katawan ni Hesus. Sabi niya: “Hindi po ako engineer, electrician, negosyante, ang alam ko lamang ay mangaral sa banal na Kasulatan, magmisa at araw-araw ay pumunta sa inyong tahanan at makikain, sapagkat di po ako marunong magluto. Ang sukli ko po lamang sa inyo ay kayo ay bendisyunan at ipagdasal sa bawa’t sandali ng inyong buhay. Salamat sa Diyos at ako’y nabusog ng walang gastos, pagpalain mong lubos ang sa akin nagkaloob. Amen po”. Matapos ang ilang taon ay nagkaroon na nang simbahan ang bulubunduking parokya at paaralan.
Gawa 4:8-12; Salmo 117; 1 Juan 3:1-2 at Juan 10:11-18
- Latest
- Trending