Gaano kahalaga ang isang malinis na banyo? Para sa akin, mahalagang-mahalaga. Sa totoo nga, kapag malinis at maayos ang isang banyo ng anumang lugar – maging airport, mall, restaurant, hotel, o kahit saan pang lugar o gusali – wala na ako masyadong pinipintas. Kapag maganda ang banyo, para sa akin ay okay na okay iyan! Kaya naman magandang balita yung maglalaan na ng pondo ang DOTC para ayusin ang mga pampublikong banyo ng mga airport, mga pantalan, mga stasyon ng tren pati na mga opsina ng LTO!
Libo-libong banyo ang ipapagawa ng DOTC, kaya ibubukas na ito sa isang publikong bidding para makatipid nang husto. Sana huwag naman yung tipid na ilang buwan pa lang ay sira-sira na naman ang mga gripo, mga lababo, mga kubeta! Basta maayos at panatiliing maayos. Kadalasan kasi, sa umpisa lang malinis pero habang tumatagal, nababaon na rin sa limot at walang pag-aalaga! Ito ang sakit ng maraming establisyamento. Maganda at malinis sa umpisa, pero habang tumatagal, nakakadiri nang pasukan!
Sana hindi lang mga palikuran sa mga sakop ng DOTC ang ipagawa, kundi pati na sa mga pampublikong paaralan. Kawawa naman yung mga bata na walang mapuntahan para magpaginhawa. Kadalasan, tinitiis na lang hanggang sa makauwi. Dapat may pondo na rin ang DepEd para dito, at itigil na lang siguro yung pakain na ginawa na puro anomalya naman pala!
Hindi ba’t banyo ang napintasan nang husto sa airport natin kaya nalagay sa listahan ng mga masasamang airport sa mundo ang NAIA Terminal I? Malaking bagay talaga ang malinis na palikuran, kahit saan ka pa magpunta sa mundo. Kaya tama ang DOTC sa kanilang hakbang na ipagawa at isaayos ang higit isang libong pampublikong palikuran sa bansa, at magpapagawa pa ng ilangdaan pa. Mabuti na lang at magaganap ito sa ilalim ng administrasyong ito, kung saan mataas ang tiwala na talagang mapapatupad. Kung bakit hindi inayos ang mga ito ng mga nakarang adminstrasyon, lalo na yung nakaraan ay hindi talaga maintindihan. May milyon para sa isang mahal na hapunan, pero walang pondo para ipagawa ang mga banyo! Asikasuhin na kaagad ang proyektong ito, para matuloy na. Kailangang baguhin ang imahe ng bansa na hindi tayo isang malaking sirang banyo sa mga turista. Tulad ng sabi ko, sino ang may gustong pumasok sa isang sirang banyo, di ba?