Editoryal - Seryoso kaya ang DENR laban sa smoke belchers?

GRABE ang air pollution sa Metro Manila. Kapag hindi na-improved ang kalidad ng hangin, maaaring magkatotoo ang isang pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na matitirahan ang Metro Manila. Sa umaga pa lamang, mapapansin na ang nakabalot na smog (smoke at fog) sa kapaligiran. Ang smog na ito ang nalalanghap ng mga tao at nagdudulot ng sakit sa respiratory system. Maraming nagkakasakit sa baga, puso, at iba pa at malaking pera ang ginagastos ng gobyerno sa pagpapagamot sa mga nagkakasakit. Maraming naka-confine sa mga pampublikong hospital at ang gobyerno ang bumabalikat sa mga ito.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution. Umano’y 80 percent ng emissions o usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng mga commuters. Araw-araw, pumapasok sa baga ang maruming usok. Unti-unti ang pagpatay. Kung hindi mapipigilan ang mga nagbubuga ng usok, maraming mamamatay. Kawawa ang mga susunod pa.

Nagsimula na ang kampanya ng DENR laban sa smoke belchers. Maraming DENR operatives ang nakakalat sa mga pangunahing kalsada at pinapara ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok. Kahapon, maraming dyipni ang hinuli at tinesting ang mga tambutso.

Sana, seryoso ang DENR sa kanilang kampan­ya laban sa smoke belchers. Hindi sana ningas kugon at pakitang tao ang kanilang ginagawa. Nagsasawa na ang taumbayan sa pagbabalatkayo ng mga opisyal ng pamahalaan kaugnay sa pagbaka sa problema ng air pollution. Panahon na para mailigtas ang mamamayan sa unti-unting kamatayan dulot ng may lason na hangin.

Show comments