Upang mas maintindihan ang balita, pamamahayag
MAGPA-PLUG lang ako, kung pahihintulutan ninyo. Tungkol ito sa kalalathala pa lamang na libro ko, Exposés: Investigative Reporting for Clean Government.
Ang Exposés ay pagtitipon ng mga piling columns ko sa Philippine STAR. Ang columns na ito ay pagbubunyag ko ng mga katiwalian at kahibangan sa gobyerno. Lahat ito ay tinalakay ko rin sa Pilipino Star NGAYON. Ilan sa mga paksa: NBN-ZTE scam, Diwalwal-ZTE scam, ang pangungulimbat ng pondong militar mismo ng comptroller ng Sandatahang Lakas, ang muntik nang pagkakaloob ng Malacañang ng teritoryo sa mga separatistang Moro, ang pagsuko ng Administrasyong Arroyo ng sobereniya ng bansa sa West Philippine Sea, at kung papano pinagkitaan ng tatlong administrasyon ang pagtatayo ng NAIA Terminal-3.
Magsisilbing gabay ang Exposés para mas main-tindihan ang mga napapabalitang malalaking kaganapan sa kasalukuyan. Halimbawa: Ang pagsasakdal sa mga may-pakana ng ZTE anomalies, at pandaraya sa halalan. Para sa mga mag-aaral ng Journalism, maaring makapagturo ito ng mga pamamaraan sa pag-imbestiga, pagsaliksik at pagsulat tungkol sa mga katiwalian. Nagkukuwento rin ito ng hirap ng buhay ng mga nagsisiwalat ng katiwalian, at sarap ng pakiramdam nila sa pakikibaka para sa katotohanan.
Ikinagagalak ko, naka-impluwensiya kahit papaano ang columns na ito sa pagbabago ng patakaran at, kahit konti, sa paglilinis ng pamahalaan.
Inilathala ang Exposés ng Anvil Publishing. Mabibili ito sa karamihan ng National Bookstore at Powerbooks branches.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending