Apektado ang PNP
KINUMPIRMA ng hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Region 4-A na lehitimo ang operation ng Batangas CIDG para sa ikaaaresto ng drug pusher na si Maria Rodriguez. Ayon sa PDEA, may proper coordination ang Batangas-CIDG sa pamumuno ni Chief Insp. Jay Agcaoile subalit di lang nakasama ang PDEA. Sa tinuran ng hepe ng PDEA, mukhang napahiya si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Lumalabas kasi na mas pinakinggan niya ang reklamo ni Rodriguez o kung sino mang Herodes na kakampi niya. Sa pagkaalam ko kasi, ang mga drug pusher at drug user ang pinakasinu-ngaling na nilalang sa ibabaw ng mundo. Dapat siguro nag-background check muna si Bartolome bago niya iniutos na raidin ang opisina ng Batangas CIDG. At kung talagang gusto niyang ikahon si Agcaoile, sana si Bartolome o PNP na lang ang namuhunan ng P1 milyon para madale sila, di ba mga suki?
Wala akong kinakampihan sa away nina Bartolome at CIDG chief Dir. Sammy Pagdilao Jr. Kaya lang sa nangyayari sa ngayon, hindi ang mga sarili nila ang naapektuhan kundi ang imahe ng PNP. Bakit hindi na lang sila mag-usap para maliwanagan ng bawat isa kung ano ang puno’t dulo ng problema?
Kung sabagay, hindi yuyuko si Bartolome dahil PNP na siya, samantalang si Pagdilao ay nag-aambisyon din. Si Pagdilao ay baron sa PMA Class ’79 at hindi rin susuko dahil sa tingin niya mas may karapatan siya. Kaya lang may tsismis na kaya lang inaalog ni Bartolome si Pagdilao ay para palitan na ito ni Chief Supt. Ed Ladao, hepe ng PRO3. Totoo naman, di ba mga suki?
Naiwasan sana na mapahiya si Bartolome kung gina-wa ng hepe ng IG na si Chief Supt. Charles Calima ang trabaho niya. Sa tingin kasi ng mga kausap ko sa MPD, kung IG ka dapat i-validate niya muna ang sumbong ni Rodriguez bago isagawa ang operation. Kung may P1 milyon extortion talaga, sana nakagawa sila ng paraan para hindi na makapalag si Agcaoile hanggang sa korte. Paano na lang kung terorista ang usapin, ganun din ang reaction ng IG? Malaking kabulastugan yan! At sa ngayon, may kalalakihang umiikot sa mga gambling lords, beerhouse at nightclub owners at iba pang illegal sa buong bansa gamit ang pangalan ni Calima. Hindi intelligence gathering ‘yan kundi gathering ng lingguhang intelihensiya. Imbes na kapakanan ng PNP o mga Pinoy ang isaisip, eh bulsa rin niya ang inuuna ni Calima. Abangan!
- Latest
- Trending