Tsina uubusan tayo ng pagkaing dagat
BAKIT mahalaga ang usaping sobereniya ng Pilipinas sa mga pulo, bahura, at karang sa West Philippine (South China) Sea? Gaano kabigat ang isyu ng pambansang seguridad laban sa pag-aangkin ng Tsina sa mga ari-arian ng bansa?
Simple at komplikado ang sagot: Pagkain, tubig, langis, at iba pang yamang dagat.
Inaangkin ng Tsina ang buong South China Sea. Pati mga pook na kinikilala ng mundo na pag-aari ng Pilipinas — dahil nasa loob ng 200-milyang exclusive economic zone natin ngunit labas na ng Tsina — ay inaangkin nito.
Kabilang dito ang:
• Panatag (Scarborough) Shoal, 120 milya mula Zambales ngunit 800 milya mula sa pinaka-malapit na punto ng Tsina na Hong Kong;
• Panganiban (Mischief) Reef, 130 milya mula Palawan pero 900 milya mula sa pinaka-malapit ng islang probinsiyang Tsina na Hainan;
• Escoda (Sabina) Shoal, 70 milya mula Palawan, parang kahabaan ng North Luzon Expressway;
• Recto (Reed) Bank, kung saan ang Sampaguita oil fields, 80 milya mula Palawan; at
• Mga karatig nitong Rajah Soliman (Boxall) Reef at Quirino (Jackson) Atoll.
Napasakamay ng Tsina ang Panganiban Reef noong habagat ng 1994, sa pamamagitan ng pagtayo rito ng mga konkretong gusali, helipads at kanyon. Kapag maagaw ang iba pang pook, paaatrasin ng Tsina ang mga mangingisda natin hanggang lamang sa pampang ng Luzon, Palawan, at Sulu. At sila na rin ang magmimina ng langis at gas sa ating karagatan. Magugutom, maghihirap tayo.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending