EDITORYAL - Hindi pa durog ang carjackers
NASA kulungan na ang leader ng carjacker na si Raymond Dominguez. Hinatulan siya ng 30-taon na pagkabilanggo ng Bulacan Regional Trial Court noong Huwebes. Naaresto si Dominguez noong nakaraang taon. Ang pagkakahatol kay Dominguez ay isa sa maituturing na mabilis na paglillitis. Kung ganito kabilis ang paglilitis at pagbibigay ng hatol sa mga criminal, mababalik ang tiwala ng mamamayan sa mga huwes at iba pang tagapagpatupad ng batas. Meron pa palang hustisya sa bansang ito.
Sa pagkakatapon kay Dominguez sa kulu-ngan, maaaring mabawasan kahit na kaunti ang pagsasamantala ng carjackers. Maaaring mag-lie low muna sila at aatakeng muli kapag nakitang tutulug-tulog ang mga pulis. Ang PNP ay mabilis na nakakalimot. Hindi nila maipatupad nang maayos ang batas. Kailangang may maganap munang krimen saka lamang magpapatupad nang paghihigpit.
Nararapat malaman ng PNP na kahit nasa kulungan si Dominguez, maaari pa ring makapagpatuloy ang kanyang mga kasamahan at magsabog muli ng lagim. Hindi pa ganap ang pagkakaputol sa puno. Kailangang mahukay ang ugat. Kailangan pa ang talas ng ngipin laban sa carjackers.
Bukod sa Dominguez carjack group, marami pang carjackers ang namamayagpag. Nagpapahinga lang sila at naghihintay ng tamang pagkakataon para sumalakay. Inaabangan na magpabandying-bandying ang mga pulis at saka uupak na naman. Ang iba ay nagpapalakas pa ng puwersa at saka babanat. Noong nakaraang linggo, isang Fortuner ang tinangay habang nasa isang carwash. Tinutukan ng baril ang may-ari at saka kinuha ang susi. Hindi na nabawi ang sasakyan.
Hindi pa durog ang carjackers. Kapiranggot lang ang grupo ni Dominguez kaya dapat magsumikap ang PNP para lubusang malipol ang carjacking syndicate.
- Latest
- Trending