NOONG nakaraang Pasko ng Muling Pagkabuhay ay tinanong ko ang lahat sa aking misa. Sabi ko na merong tayong dalawang uri ng Pasko: Ang Pasko ng Pagsilang at Pasko ng Muling Pagkabuhay. Pinatayo ko sila sa bawat tanong at mas marami ang mga tumayo sa Pasko ng Pagsilang. Ito ang larawan nating mga Pilipino.
Mas mahalaga sa atin ang Pasko ng pagsilang kaya naman pagpasok na nang buwan ng Setyembre ay maririnig na sa mga radio ang Christmas carols hanggang sa kalagitnaan ng Enero, Bagong Taon ay pamasko pa rin ang tugtog. Para bang tayong mga Pilipino ay hindi na tumanda kundi pawang bata sa ating pananampalataya.
Naalaala ko tuloy ang Pasko ng Muling Pagkabuhay noong ako ay nasa Amerika, na doon ko naranasan ang kasiyahan ng mga Kristiyano tuwing Easter Sunday. Nalulusaw na ang mga snow, nagdadahon na mga punongkahoy, humuhuni na mga ibon sa kapaligiran at namamasyal na ang mga rabbit sa kagubatan. Para bang buhay na ang sandaigdigan. Nabuhay na rin ang kalikasan. Muling nabuhay ang Panginoon. Nagapi na Niya ang kasamaan at pinatatawad na tayo sa ating mga kasalanan.
Kaya kung ating pagninilayan at paglilimiin ang seremonya noong nakaraang Sabado de Gloria ng gabi hanggang sa madaling araw ng Linggo ay ating napapaglimi ang tagumpay ni Hesus sa pagliligtas sa atin. Ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay atin ding pinaghahandaan. Ang pagsilang ni Hesus ay naranasan na rin natin sapagkat tayo ay isinilang din ng ating mga ina. Pangkaraniwan ang birthday ni Hesus tulad nang sa atin, subalit ang Kanyang Muling Pagkabuhay ay Siya pa lamang ang nakararanas. Ipinakikita sa atin ni Hesus na ito rin ay dapat nating paghandaan. Matatamo natin ito kung wagas ang ating puso at isipan laban sa kasalanan at kamunduhan.
Muling paalaala sa atin ni Pedro na ang pagbabalik-loob natin sa Diyos ang ating kailangan upang mapawi ang kasalanan. “Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit Siya’y muling binuhay ng Diyos at saksi kami sa bagay na ito”.
Gawa 3:13-15, 17-19; Salmo 4; 1 Juan 2:1-5a at Lk 24:35-38