“Dr. Elicaño, magandang araw po. Hilig po naming mag-anak na mag-outing. Kapag summer po ay hindi kami pumapalya sa pagtungo sa beach sa Batangas at minsan ay sa Or. Mindoro. Madalas po kaming ma-sunburn dahil sa matagal na pagbabad sa araw. Ano po bang maganda kapag na-sunburn? Salamat po.”
— MINDA MARIANO, Malinta, Valenzuela City
Matinding init ng araw ang kalaban ng mga nagtutungo sa beach. Kapag nababad nang husto ang balat, makadarama nang panghahapdi at sa kalaunan ay manunuklap ang balat. Magiging mapula ang balat na animo’y nilitson. Ipinapayo ko na huwag magbabad kapag masyadong mainit ang araw. Magsuot ng pananggalang sa araw. Delikado ang pagbabad sa matinding sikat ng araw sapagkat ultraviolet light ang nagpi-penetrate sa top layer ng balat. Kapag naka-penetrate, lilikha ng free radicals at ito ang aatake sa selula (cell membrane). Sisirain ang tissue na nakapaligid sa cells.
Mahalaga sa mga na-sunburn na uminom nang maraming tubig para malabanan ang dehydration. Para matulungan na ma-repair ang nasirang tissues, kumain nang mga pagkaing mayaman sa Vitamin A. Matatagpuan ang Vitamin A sa dairy products at atay.
Kumain din ng apricots, carrots at spinach. Ang mga ito ay mayaman sa betacarotene. Pinuproteksiyunan ng betacarotene ang balat laban sa sunburn. Ayon pa rin sa pag-aaral, ang betacarotene ay nilalabanan ang pagdebelop ng skin cancer.
Mahalaga rin ang Vitamin B para mapangalagaan ang balat. Matatagpuan ito sa isda, poultry products, at mga pagkaing butil.
Ang Vitamin C ay tumutulong para madaling mapaghilom ang sugat. Tumutulong din sa elasticity ng balat.
Ang Vitamin E naman na makukuha sa seedoils at avocado ay antioxidant na lumalaban sa free radicals.