Editoryal - DOTC ang sisihin sa grabeng air pollution
KUNG na-implement nang maayos ang Clean Air Act, hindi sana grabe ang air pollution sa Metro Manila ngayon. Noon pang 1999 isinabatas ang Clean Air Act pero walang pagpapatupad na naisagawa. Ang dating maitim at may lason na hangin ang patuloy pa ring nalalanghap sa Metro Manila sa kasalukuyan. Nang maipasa noon ang batas, marami natuwa at nagalak sapagkat masosolusyunan na ang problema sa air pollution. Makakaligtas na ang mga taga-Metro Manila sa sakit na dulot ng hanging may lason. Sa pag-aaral, ang hangin sa Metro Manila ay isa sa pinaka-marumi sa buong Southeast Asia. Sa pag-aaral din ng UP, sinabing darating ang panahon na hindi na maaaring tirhan ang Metro Manila dahil sobrang polluted.
Labintatlong taon na ang nakalipas mula nang ipasa ang Clean Air Act, pero walang nakitang pagbabago. Ang inaasam na makakalanghap nang malinis na hangin ay nanatiling sa pangarap lamang.
Patuloy pa rin ang pagyayaot ng mga kakarag-karag na bus sa EDSA na nagbubuga ng may lasong usok. Patuloy ang pagsusunog ng mga basura. Patuloy ang paggamit ng incinerators ng mga hospital at pabrika. Walang nagbabawal sa kanila. Balewala ang Clean Air Act na bago naaprubahan ay maraming pagtatalo ang naganap.
Sa ilalim ng batas, kabilang sa mga magpapa-tupad ng Clean Air Act ang Department of Transportation and Communications (DOTC), Metro Manila Development Auhority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources DENR. Pero hindi ito lubusang nangyayari. Ningas kugon ang DOTC, MMDA at DENR laban sa mga sasakyang nagbubuga ng lason.
Umalma kamakailan ang Philippine Medical Association (PMA) at sinisisi ang DOTC sa grabeng pollution sa Metro Manila. Ayon sa PMA hindi umaakto ang DOTC laban sa air pollution. Tama ang PMA. Ang DOTC dapat sisihin. Kung naipatupad ng DOTC ang Clean Air Act, maaaring malinis na ang hangin ngayon.
- Latest
- Trending