SA unang, dinig parang mainam na solusyon sa pag-aagawan ng mga bansa sa Spratlys at Scarborough Shoal ang joint exploration. Pero mukha naman itong madaling sabihin pero mahirap gawin.
Panahon pa ni Presidente Corazon Aquino ay naririnig ko na iyan pero nakiisa man ang ilang bansang may paghahabol sa mga pulo sa West Philippine Sea, tila nagmamatigas ang China sa pag-angkin sa pinagtatalunang group of islands sa South China Sea na pinangalanan na nga nating West Philippine Sea para idiin ang ating paghahabol sa nabanggit na kapuluan.
Kahapon, hinikayat ni Senator Ralph Recto ang Malacañang na ikonsidera ang isang posibeng joint exploration sa Spratlys Islands kasama ang China. Ibig sabihin, magkakaisa ang mga bansang may claim sa Spratlys na isaisantabi muna ang paghahabol at sama-samang pakinabangan ang mga matatagpuang mineral sa grupo ng mga pulong nabanggit.
Sa isang banda, tila may lohika si Recto.
Ang anumang protesta ay magbubunga lang daw ng tension na magpapalubha sa situwasyon.
Ibig mangyari ni Recto ay makipagnegosasyon ang Pilipinas sa China at pag-usapan ang isang partnership sa pagtuklas sa mga mineral sa naturang group of Islands.
Dapat aniya’y magbago ng taktika ang bansa para mabawasan ang tensiyon sa China.
Pero may tinatawag na “air of superiority ang China” at tingin ko, hangga’t nakikitang “susukut-sukot” ang Pilipinas at natatakot sa puwersa militar nito, mahirap hatakin ang bansa sa negotiating table.
Palagay ko’y mas tama na iharap na lang sa kaukulang international court ang kaso para siyang magpasya para maresolba na ang standoff ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal.
Ang malungkot isipin kasi, isang malaking influential power ang China dahil halos lahat ng bansa ay may economic relations dito. Paano nga kaya tayo makakahatak ng kakampi?