Hindi natin kaya ang China - PNoy
UMAMIN si Presidente Noynoy Aquino na hindi natin kaya ang military force ng bansang China. Aniya “kahit sa pitikan ng ilong” hindi natin kaya ito. Nagpapakatotoo lang si PNoy. Ano ba naman ang panama natin sa isang bansang isa nang superpower sa ekonomiya at militar?
Wala talagang remedyo kundi idulog ang problema sa Spratlys sa isang diplomatic forum. Ibig sabihin, tipunin ang mga bansa ng United Nations at humanap ng kakampi. Tingin ko naman lahat ng mga bansang naghahabol sa Spratlys ay kakampi sa atin.
Maaaring walang kahihinatnan sa madalian pero makapipigil sa ano mang posibleng komprontasyon ng dalawang bansa na kung mangyayari ay baka tuluyang mauwi sa pagsakop ng China sa Pilipinas.
Nanawagan na ang Pilipinas sa China na idulog sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ang usapin sa Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippine Sea. Ganyan lang. Apela, apela, pero diringgin kaya ng China ang ating mga panawagang mahinahon?
Anang Department of Foreign Affairs (DFA), upang magkaroon ng mapayapang kasunduan ang Pilipinas at China sa pinag-aagawang Panatag Shoal, iniimbitahan ang China na sumama sa paghahain ng reklamo sa ITLOS. Delaying tactic lang ang puwedeng remedyo riyan at naniniwala ako na ilang salinlahi pa ng mga Presidente ang magmamana sa problemang ito.
Korek ang DFA sa pagsasabing bantog na sa buong mundo ang China na sangrekwa ang mga barko at sasakyang panghimpapawid na pandigma. Eh tayo?
Pero hope springs eternal wika nga. Buo pa rin ang pag-asa ng pamahalaan na mas mangingibabaw ang pag-obserba ng China sa international law na mas mabuting “equalizer” sa mga usapin sa pag-aagawan ng teritoryo.
Kaya ano mang panduduru ang gawin sa atin ng China, no way ang giyera porke di natin kaya. Sabi nga ni P-Noy “Jaw-jaw na lang at hindi war, war.” Ano ba ang ibig sabihin ng jaw-jaw? Hindi naman siguro Jaw-Jaw Binay gaya ng sinabi ni Brat Pig. Hehehe.
- Latest
- Trending