Mga pulis din ang nagpapadungis
KUNG mayroon mang dapat sisihin kung bakit hindi makaahon ang Philippine National Police (PNP) sa matinding dungis na nakakapit sa kanila, iyon ay walang iba kundi ang mga miyembro rin nila na walang alam gawin kundi dumihan ang asul na uniporme. Kahit na may mga mabubuti at tapat na pulis, natatakpan ang kanilang ginagawang pagsasakripisyo dahil sa masamang ginagawa ng kanilang mga kasamahan. Sa halip na mahango sila sa pagkakalubog sa putik, lalo pang nalulubog ang organisasyon.
Madalas na nasasangkot ang mga pulis sa masamang gawain --- hulidap, extortion, kidnapping, pangsa-salvage at iba pang masamang gawain. Bukod sa mga nabanggit, nakukuwestiyon din ang kaalaman ng mga pulis sa rules of engagement. Kailan ba dapat paputukan ang mga inaakalang kriminal? Marami nang pangyayari na ang kanilang niratrat ay hindi naman pala mga kawatan o masasamang tao. Nagkamali sila. Isang malaking pagkakamali sapagkat hindi na maaaring ibalik ang buhay na inutang ng mga pulis.
Isang halimbawa ay ang nangyari sa Makati City noong nakaraang Abril 1 kung saan dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang napagkamalan umanong holdaper. Magkaangkas sina Ronald Infante, isang businessman at kanyang aide na si Jimmy Almanon nang harangin ng mga pulis at nang hindi umano tumigil ay pinaputukan ang mga ito. Si Infante ay aktibong fire volunteer. Ayon sa report, nakatanggap ang mga pulis Makati ng isang sumbong mula sa driver ng courier van na may nagtatangkang homoldap sa kanila. Nang rumeposnde ay doon nagkaroon ng putukan.
Ni-relieved sa puwesto ang mga pulis na nakapatay kina Infante at Almanon. Ang masakit, ayon sa mga kaanak ng biktima, sinira ang CCTV camera na naglalaman ng kuha habang may shooout. Malaking ebidensiya umano ang CCTV pero kinalikot umano ng mga imbestigador hanggang mabura ang kuha.
Kawalan ng kakayahan ay kaignorantehan ng mga pulis ang naghuhulog sa kanila sa malalim pang putik. Nararapat na isailalim sa matinding training ang mga pulis upang maiwasan ang mga karumal-dumal na krimen. May matatalino at tapat na pulis sa kasalukuyan, pero mas nakararami ang mga ignorante na hindi alam ang kanilang trabaho. Delikado ang mamamayan sa kanilang kamangmangan.
- Latest
- Trending