Bilisan ang AFP modernization
DAHIL sa kahinaan ng depensa militar ng Pilipinas kung kaya halus pinagtutulak-tulakan ng Tsina ang ating bansa lalu na sa usapin ng Spratly Group of Islands.
Ngunit bakit nananatiling mahina ang ating Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kabila ng modernization program nito? Sagot, kulang sa pera.
Bakit kulang sa pera? Sagot, katiwalian. Katiwaliang nalantad sa atin nang mabisto na ang mga AFP Chief of Staff ay tumatanggap ng milyones na pasalubong at pabaon sa kanilang pag-upo at pagreretiro.
At umaasa tayo na sa ilalim ng “matuwid na daan” ni Presidente Noynoy ay hindi na mauulit ito. Sana. Sana lang. Tapos na ang ganyang maliligayang araw ng mga tiwaling opisyal ng AFP kaya wala nang dahilan para maudlot pa ang programa.
Kahit si Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada ay naniniwala na ang talamak na graft and corruption ang nangungunang rason kung bakit napag-iiwanan ang ating militar ng ibang mga bansa sa Asya gaya ng China.
Patunay diyan ang standoff ng puersa ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal nang hinuli ng Philippine Navy ang mga mangingisdang Tsino na nangingisda sa ating teritoryo. Iginigiit ng China na sakop nila ang natu-rang lugar bagamat ito’y napakalapit sa Pilipinas.
Malaking halaga ang inilalaan ng batas sa AFP mo-dernization program. Matagal-tagal na rin ang programang ito pero wala tayong nakikitang pagbuti ng ating militar.
Ayon kay Estrada, hanggang ngayon ay hindi pa sapat at makabago ang kagamitan ng militar. Ito’y bagay na sasangayunan ng lahat. Bakit hindi ba obyus?
Huwag na sana nating hintayin na lalakas ang puwersa ng ating hukbo dahil nasakop na tayo ng Tsina at bahagi na ang lahat ng parte ng Pilipinas nito.
Kung sadyang pinapahalagahan ng mga opisyal ng pamahalaan ang soberenya ng Pilipinas, dapat lang tutukan ang modernization program at tiyaking maipatutupad ito ng maayos.
- Latest
- Trending