Bagong Maria Clara
Sa Meralco office – San Pedro, Laguna
Tatlong kaibigan kay babait nila;
Si Mr. Guerrero ang siyang nauna
Dalawa ay mutyang saksakan ng ganda!
Itong unang mutya Gina ang pangalan
Siya ay mabait madaling lapitan;
Ang pangalwang mutya ngala’y nalimutan
Pagpunta sa office doon tutulaan!
Si Mr. Guerrero ang siyang nag-request
Na ako’y humabi ng tulang matamis;
Hindi makatanggi kudyapi’y hinilis
Kaya ang nayari’y tulaing panlangit!
Ang unang diwata palayaw ay Gina
Ang diwatang ito’y taga Sampaguita;
Kaya itong tula ay alay sa kanya –
Ni Mr. Guerrero at nitong kumatha!
Katulad mo Gina ay isang bulaklak
Na ang iwing bango’y nilalanghap-langhap;
Sa hardin ng puso nang kita’y mamalas
Gusto kong pitasin kahi’t sa pangarap!
Ikaw ay diwatang siyang inspirasyon
Sa mga gawai’t mabubuting layon;
Sa tinatahak ko na landasin ngayon –
Ikaw ang patnubay saanman paroon!
Ikaw ay bituing sa gitna ng dagat
Ay silbing parola na nagliliwanag;
Sa dalampasigan nang kita’y mamalas
Naglunoy sa tuwa ang pusong bagabag!
Ikaw ri’y bituing sa gabi ng buhay
Sa aking landasin tanging tumatanglaw;
Nang minsang maglaho’y nawalan ng ilaw
Ang buhay kong aba’t sakbibi ng lumbay!
Gina ang ganda mo’y lubhang makabago
Ikaw ay sumilang panahong Atomo;
Tunay na dangal ka nating Pilipino –
Bagong Maria Clara, paa hanggang ulo!
- Latest
- Trending