'Warehouse ng mga produktong expired!'
ISANG warehouse sa Makati City na kilalang bagsakan ng mga imported na produkto ang tampok sa BITAG mamayang gabi sa TV5.
Mula pa sa Italy, Turkey, at Spain ang iba’t ibang produktong inaangkat ng mga banyagang Turkish na may-ari ng kumpanya ng S&L Fine Foods.
Ibinebenta ang mga ito sa specialty restaurants ka-bilang na ang isa sa mga five star hotels sa Metro Manila at maging sa Visayas at Mindanao.
Pero lingid sa kaalaman ng kanilang mga kliyente, ang mga produkto palang isinu-suplay sa kanila, may daya na.
Isang grupo ng empleyado mula sa nasabing kompanya ang dumulog sa tanggapan ng BITAG para iparating ang panlolokong ipinapagawa sa kanila ng kanilang amo.
Sumbong nila, ang mga expired na produkto, imbis na itapon, ibinebenta pa rin sa mga mamimili.
Pagsisiwalat ng mga empleyado, may sistema ang pamamaraan ng kanilang pagbubura at pagpalit ng bagong expiration date sa mga expired na produkto.
May dalawang paraan ang mga bodegerong nagpapalit ng expiration date sa mga produkto.
Una na rito, ang paggamit ng stamp bilang pangtatak sa canned goods gamit ang stamp matapos burahin ang tunay na expiration date gamit lamang ang acetone.
Pangalawa, iniimprenta sa sticker ang bagong label ng expiration date saka ididikit sa produkto.
Kaya naman kilos-prontong umaksiyon agad ang BITAG kasama ang City Health and Sanitation Division, Business Permit and Licensing Office, Veterinary’s Office ng Makati at National Meat Inspection Services ng NCR.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga taga-munisipyo, positibo ang sumbong na ipinaabot ng grupo ng empleyado ng S&L Fine Foods na lumapit sa amin.
Nakaimbak pa rin sa bodega at chiller ng inirerekla-mong warehouse ang ilang patapon nang produktong pagkain.
Pero nagulat kami nang iharap ng operation’s manager ng S&L Fine Foods ang kanyang pagdedepensa sa grupo ng BITAG na nagdodokumento sa isinasagawang inspeksiyon.
Panoorin ang kabuuan ng dokumentasyon ng BITAG mamayang hatinggabi sa TV5 pagkatapos ng Pilipinas News.
- Latest
- Trending