'Fall Guys lang ba?'
KUMAKARIPAS ang single na motor ni “Ren” angkas ang kaibigang si “Jerome”. Inunahan niya ang nahuhuling motor ng utol na si “Yeng”. Sige pa din ang takbo ng dalawa hanggang makalampas sa presinto ng Labney.
Sumalubong sa kanila ang isang kulay puting pickup van sa kurbadang daan. Sa bilis ng takbo hindi sila agad makakapreno, sesemplang sila.
Nag-menor ang magkapatid, umiwas sa van. Nang tumapat sila dito dun lang nila nakitang mga pulis pala ng San Jose, Tarlac ang mga sakay. Walang anu-ano niratrat na daw sila mga pulis.
“Baka i-salvage kami. Gabi nun…liblib ang lugar. Kanino kami hihingi ng sasaklolo mismong pulis ang namamaril sa’min,” wika ni Yeng.
Nagsadya sa aming tanggapan ang magkapatid na Facun. Si Noriel o “Yeng”, 24 anyos at Warren o “Ren”, 22 taong gulang. Kasama ang kaibigang si Jerome Esteban, 18 anyos. Galing pa sila ng Mababanaba San Jose, Tarlac.
Sa takot ni Yeng naunahan niya pa ang motor ng kapatid. Hindi na daw nila nagawang huminto at itanong sa pulis kung bakit sila hinarang. Ang tanging inisip nila ng panahong iyon mailigtas ang kanilang sarili.
Napansin ng angkas na si Jerome na nag-iinit ang kanang paa niya. Pagtingin niya bumubulwak na ang dugo dito. “Ren…bilisan mo takbo may tama ako!” sabi ni Jerome.
Hinigpitan ni Ren ang hawak sa motor. Namanhid ang kanyang kanang kamay. Tinignan niya ito… nagulat siya ng makitang durog na ang kanyang hintuturo.
Nangyari ang insidente ika-13 ng Enero 2012 tatlong araw bago ang pista ng Tarlac.
Nagkaayaan sila Yeng kasama ang 31 taong gulang na si Edward Dupitas, kanilang tiyuhin. Namasyal muna sila sa palengke ng San Jose.
Matapos nito dumaan sila sa Bistro at tumingin ng mga ‘live bands’. Alas otso na ng makarating sila sa Tarlac City. Tatlong oras silang nanuod ng basketball. Nag-food trip sila at naaliw sa mga nagba-‘bike tricks’.
Hindi nila napansin ang oras… alas dos na pala ng umaga. Biglang umalis si Edward habang sila’y nasa mamihan. Ang tagal bumalik ng tiyuhin kaya’t hinanap nila ito. Umikot sila sa Tibag, Tarlac. Wala si Edward.
Nadaanan nila ang isang ‘burger stand’ saka umuwi. Dito na umano sila pinagbabaril ng mga pulis habang binabaybay nila ang Ninoy Aquino Highway.
Unang nakarating ng bahay si Yeng. Ilang minuto makalipas ang dalawang sugatan naman ang nakauwi. Sinugod sina Ren at Jerome sa Tarlac Provincial Hospital. Naiwan sa bahay si Yeng. Pinaalam niya sa ama ni Jerome ang nangyari.
Si Jerome wala ng malay sa ospital. Si Ren naman kinailangan putulin ang hintuturo. Hindi lang sila ang nabaril ng gabing iyon katabi ni Ren ang isang lalakeng kinilala niyang si “Lito”. Nabaril naman sa nguso.
“Sabi ni Lito nabaril siya ng isang nakamotor. Kwento naman ng tiyo ko pulis ang nakabaril sa akin,” kwento ni Ren.
Siyam na araw nanatili si Jerome sa ospital. Inoperahan ang kanyang paa. Si Yeng naman pagliwanag pa lang nagsumbong na umano sa PCP2.
Tinanong ng pulis ang kanyang pangalan at agad siyang dinala sa Munisipyo sa San Jose, PNP. Pinatawag ang kanilang mga magulang. Pinalabas ng istasyon sila Yeng. Dumating si Ren, naabutan niya ang kapatid sa labas. Maging si Lito nandun.
Tinawag silang muli ng mga pulis. Bigla silang inaresto at pinagpiyano (kinunan ng finger prints). Nalaman nilang ang Litong nakasabay ni Ren sa emergency room ang nagrereklamo. Si Lito Lagasca, 42 taong gulang ng Mayantoc, Tarlac.
Batay sa Sinumpaang Salaysay ni Lito, bandang 3:00 AM, papunta sila ng palengke sa Tarlac City ng asawang si Corazon para mamalengke ng paninda. Lulan ng motorsiklong (kulong-kulong) binabaybay nila ang Aquino Highway, San Jose. Biglang may sumunod sa kanilang dalawang motorsiklo. Tinapatan at agad siyang binaril ng isa sa angkas ng isang motor. Tinamaan siya sa nguso.
Huminto siya, nakita niyang siya’y malubha. Agad siyang dumulog sa Police Community Precinct No. 2 (PCP2). Dinala siya sa ospital. Habang bumabiyahe nakasalubong nila sa bayan din ng San Jose ang dalawang magkasunod na motorsiklo. Pinaalam nila ito sa mga pulis na noo’y nagsasagawa ng checkpoint sa PCP2. Dito na nangyari ang pamamaril. Natamaan ang mga suspek. Ipinakita sa kanya ang dalawang suspek na noo’y nagpapagamot din sa ospital. Namukaan niya ito at kinilalang sina Noriel at Warren Facun at Jerome Esteban.
Lahat ng ito tinanggi naman nila Yeng. Hindi daw nila kilala ang biktima. Dinidiin lang daw sila ng mga pulis.
Base sa Joint Affidavit of Arrest nila SPO1 Jessie Pascua, PO3 Edison Sulay, PO2 Daniel Tañedo at PO2 Jayson Ancheta mga pulis ng San Jose. Matapos makarating ang sumbong sa kanila nagsagawa sila ng checkpoint sa Brgy. Lawacamulag Junction. Itinawag sa kanila ni PO1 Magno Domingo na ang mga suspek ay papunta sa kanilang direksyon. Inilipat nila ang checkpoint sa Brgy. Labney para hulihin ang mga ito. Dumating ang dalawang motor. Tumakas sabay paputok ng baril sa mga pulis. Nagkabarilan sila subalit nakatakas pa rin ang mga suspek.
Naisampa ang kasong Attempted Murder laban kina Yeng. Apat na araw nakulong sa presinto ng San Jose ang magkapatid na Facun. Inilipat sila sa Tarlac Provincial Jail. Tatlong araw silang nanatili dito. Lumikom pa sila ng halagang Php120,000 pampiyansa.
Si Jerome naman habang nasa ospital binantayan ng mga pulis. Siyam na araw makalipas diretso kulungan din. Nakapagpiyansa siya ng halagang Php60,000
Maliban sa kasong Attempted Murder na kinakaharap ng magkapatid sa RTC Br. 68-Camiling, Tarlac. Nahaharap din sila sa kasong Resistance and Serious Disobedience sa Department of Justice, Tarlac City.
“Kami na nga ang binaril ng pulis ngayon kinasuhan pa nila kami,”sabi ni Yeng.
Gusto nilang malaman ang legal action na maaring gawin kaya nagsadya sila sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882 KHZ (tuwing 3:00-4:00) ang istorya nila Yeng.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, para sa mga lumapit sa amin na sina Yeng, Ren at Jerome dapat na malaman nila na ang kanilang depensa’y naka-ugat sa ‘denial’ gayung ang biktima dito ay postibo silang kinilala ng ipakita sina Ren at Jerome sa ospital na sugatan at nagpapagamot din. Si Yeng naman kinulong matapos magpunta sa presinto sumunod na araw para mag-report. Sa isang malawakang paglilitis masusubukan ang kredibilidad ni Lito kung hindi siya nagkamali na sila nga ang namaril sa kanya.
Walang ‘robbery’, walang alitan at walang dating pinag-ugatan ang pamamaril. Ano ito trip lang? Sa isang kaso ng barilan segundo lang ang binibilang. Gaano kagaling ang memorya ng isang tao na mamumukaan niya ang tatlong ‘suspects’ gayung may tama siya sa nguso? Malamang hilong-hilo pa ito sa mga pangyayari.
Marami ding dapat itanong sa mga pulis. May na-recover bang baril mula sa mga suspek? Sinailalim ba nila sa paraffin test, kung sila nga ay nagpaputok ng baril? Nagkabarilan sa pagitan ng mga pulis at itong mga taong lumapit sa aming tanggapan. May tinamaan ba sa mga pulis? Bakit hindi nila hinabol ito? Kung nakatakas nga ay iniradyo para makapag-set up pa ng isa pang checkpoint sa highway na maaring daanan nila. Madaling magsampa ng kaso o mag-akusa ng tao subalit ang kailangang mapatunayan ng walang kaduda-duda (beyond reasonable doubt) na sila nga ang may kasalanan ang hinahanap ng Huwes sa isang kaso.
Sila na nga ba ang namaril kay Lito o mga ‘FALL GUYS’ lang ang mga ito para masabing lutas na ang kaso? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline, 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.
* * *
Email address: [email protected] follow us on twitter: [email protected]
- Latest
- Trending