KUNG maraming nagmomotorsiklo ang pasaway pa rin at ayaw magsuot ng helmet sa pagbibiyahe, baka sa sitwasyon ngayon ay mapilitan na silang magsuot.
Mainit na balita ngayon ang nakatakdang pagpapakawala ng missile ng North Korea na daraan sa Pilipinas at posibleng magbagsak ng mga mapanganib na debris.
Katunayan, naka-red alert ngayon ang National Disaster Risk Reduction Council dahil sa rocket launching na ito ng NoKor na umano’y magdaraan daw sa Pilipinas, lalo na sa Luzon.
Ang Japan na kapit-bansa ng NoKor ay nag-umang na ng mga anti-missile weapons at ang ano mang bahagi ng rocket na magdaraan sa kanila ay titirahin bilang proteksyon sa mga mamamayan ng bansa. Eh tayo, ano iuumang natin? Pray na lang tayo na maligtas sa kapahamakan.
Parang ganyan ang situasyon noong dekada 80 nang mapabalitang babagsak sa daigdig ang Sky-Lab, isang satellite ng Estados Unidos na nagdulot ng panic sa mga tao.
Siguro yung mga kabataan ngayon ay hindi na alam ang nangyaring ito ngunit talagang buong mundo ay nataranta. Nagkabentahan ang mga helmet noon at kahit walang motorsiklo ay nagsusuot nito para daw hindi mapuruhan ng mga pira-pirasong bahagi ng bumagsak na Ska-Lab. Awa ng Diyos, sa karagatan bumagsak ang mga debris nito at walang naidulot na pinsala.
Pero mas nakatatakot ang plano ng NoKor na ipatutupad sa linggong ito. Sinasabi kasi na ito’y magsubok ng naturang bansa sa kapasidad na maglunsad ng mga nakakapinsala at nakamamatay na mga missiles sa daigdig.
Kahit ang Amerika at ang United Nations ay hindi nahimok ang naturang bansa para itigil ang balak. Iginigiit ng NoKor na ang ilulunsad na rocket ay para magdala sa kalawakan ng isang satellite.
Tanong ko lang, kung ang Iraq ay dinurog ng Amerika sa hinalang nagtatago ito ng mga nuclear weapons, bakit hindi ito magawa sa NoKor? Hindi ko ipinapayong gawin ang pagdurog pero nagtataka lang ako sa ginawa sa Iraq. Hanggang magkawindang-windang ang Iraq ay hindi napatunayang may weapons of mass destruction ito. Sa kaso ng NoKor, lahat ng indikasyon ay nagtuturo na mayroon ngang mapanganib na sandata ito.