'NBI Agent na petiks(?)'
Maraming ”complainants” ang lumalapit sa aming tanggapan na inirereklamo ang tagal ng sistema ng pag-iimbestiga ng kaso sa National Bureau of Investigation bago sila umaksyon sa isang reklamo.
Isa na dito ay ang mag-asawang Luz at Rene Tepait ng Pinagbuhatan Pasig City.
Ang gusto nilang mangyari ay magka-record man lang sa NBI ang mga taong nanloko sa kanila para naman kung nais nitong magtrabaho ay hindi agad makakuha.
Kaya naman nagpunta sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang humingi ng tulong na makapagsampa ng reklamo laban sa mga taong umutang sa kanila.
Buwan ng Oktubre 2011, walong buwang buntis noon si Luz nang magsadya siya sa NBI. Nakausap niya si Agent Ruel Dugayon ng Anti Fraud and Action Division (AFAD).
Madaming beses daw siyang nag-follow up. Hindi daw madali ang kaso niya kaya dapat pang pag-aralan.
Nag umpisa ang problema ni Luz dahil sa pagpapautang ng may 10% interest.
ISANG DAAN AT LIMAMPUNG (150) piraso ng ATM ang palagi niyang hawak. Sa tuwing makikita ito ni Luz, nadadagdagan ang galit niya dahil wala namang pakinabang ang mga ito.
Malaking halaga ang nakuha sa kanila na umaabot sa Php780,000. Ang tinutukoy ni Luz ay ang mga taong nakilala nila sa pangalang Arlene de Leon, Nixon Reambonanza at Kei Salonga.
Nagsimula ang lahat noong Marso 2011. Ang mag-asawang ito ay nagpapautang ng pera sa kanilang mga kapitbahay. Meron silang naipon na pera na napalago nila dahil na rin sa laki ng interes na pinapatong nila.
Lahat ng nagsasanla ang kapalit ay ATM. Yun ang pinanghahawakan nilang kolateral. “Kinukuha namin ang pin number para hindi na kami mahirapan sa pagwi-withdraw ng kanilang pera,” sabi ni Luz.
Nag-umpisa sa halaga na Php250,000 ang kanilang puhunan at lumago.
Marso 2011, unang umutang sa kanila ang kapitbahay na si Crisly Coro ng halagang Php10,000. Ipinakilala ni Crisly ang kapatid na si Nixon Reambonanza na umutang din.
“Nagrerenew siya ng mga utang. May pinakilala siya sa akin na kinakasama niya na si Arlene de Leon na umutang din sa amin”, kwento ni Luz.
Nagdugtung-dugtong na. Umutang na rin ang pamangkin ni Arlene na si “Jomar delos Santos”. Si Jomar daw ay nagtatrabaho sa PSRC Agency bilang isang ‘supervisor’ base sa kwento ni Arlene sa mag-asawa.
Sumunod pinakilala ni Arlene ang asawa daw ni Jomar na si Arra Ocampo.
Nung hinahanap ni Luz ang ID ni Arra, ang sabi daw ni Arra ay naiwan sa bahay. Gayunpaman, binigyan pa rin ni Luz ng pera dahil may tiwala siya.
Maraming beses din na nakahiram ang mga ito. Kadalasan daw ay si Arlene na mismo ang kumukuha ng pera at sinasabing si Arra daw ang may kailangan.
Meron din daw dinalang ATM si Arra na ang pangalan ay Matilde Ocampo kaya nagbigay ng pera si Luz.
“Kahit hindi namin nakikita ang mismong taong nangungutang basta may dala silang ATM walang problema. Magandang gawing kolateral ang ATM dahil nandun lahat ng impormasyon ng taong may-ari nito”, sabi ni Luz.
Pati daw ang anak ni Arlene na si Arvin ay nagsanla ng ATM. Pati daw mga katrabaho ni Jomar sa PSRC ay nangutang din. Si Arlene ang naging “guarantor”.
Dumami ang mga nagkakautang sa kanila hanggang sa maging sangkatutak na ang ATM na itinatago ng mag-asawa.
Ang lahat ng mga pangalang sinabi nila sa amin ang dahilan kung bakit namomroblema sila ngayon sa paghabol sa halagang Php780,000.
Huli na daw nang madiskubre ng mag-asawa na niloloko ng mga ito. Nung siningil ni Luz si Arlene ang sabi ay may nagtakas daw ng pera sa agency na PSRC kaya hindi sila makabayad.
Tinanong ni Luz kung ano ang pangalan ng taong nagtakas ng pera ngunit wala naman silang maibigay. Nagduda na ang mag asawa.
Mula noong Setyembre, kahit anong singil hindi na nagbabayad. Ang ATM kahit anong ‘balance check’ ay walang laman.
Nagpunta sila sa PSRC na agency kung saan nagtatrabaho si Jomar at Arra. Natuklasan nila na hindi pala supervisor si Jomar at apat na buwan lang ito nagtrabaho. Ganon din itiong si Arra na dalawang buwan lang daw sa ahensya.
Kinompronta nila si Arlene. Aayusin daw nito ang lahat ngunit hanggang ngayon hindi na ito lumitaw.
Nagreklamo sila Luz sa barangay. Doon lang daw sumipot itong si Arlene. Nalaman ni Luz na ang Arra na ipinakilala sa kanya ay Rolyn Kei Salonga pala ang tunay na pangalan.
Sa ngayon nagtatago na daw ang mga ito. Wala na ring laman ang mga ATM kaya nagpunta sila sa NBI noong Oktubre. Sa tuwing mangungulit sila sa NBI ang sagot daw sa kanila ni Agent Dugayon ay naisampa na daw ang kaso.
Nagtanong si Luz kung bakit wala siyang natanggap na subpoena. “Ganon talaga yun!” sagot umano ni Agent Dugayon.
“Kahit hindi na mabawi ang pera ang gusto ko makulong sila. Sobrang pahirap ang ginawa nila sa amin. Tulungan niyo kami,” sabi ni Luz.
Nais malaman ni Luz ang tunay na estado ng inilapit niya sa NBI kaya nagsadya na siya sa aming tanggapan.
Nakapanayam namin si Luz sa aming programang CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Bilang tulong kami’y makikipag-ugnayan kay Agent Ruel Dugayon ng NBI AFAD upang malaman ang tunay na lagay ng kaso.
Sinabi niya na ideretso na lang o i- direct filing na lang daw ang kaso dahil kumplikado ang kaso ni Luz.
Nabigla si Luz, “Ganun? October pa yan tapos hindi naman pala naifile?”
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, naiintindihan ko na ang National Bureau of Investigation ay nagsasagawa ng masusing pag-iimbestiga sa mga kasong idinudulog sa kanila. Ayaw nilang mapahiya o magamit ang “bureau” upang mang-harass ng tao.
Kadalasan kapag ang isang reklamo ay idinaan sa NBI, CIDG o PNP ang mga taga-usig ay hindi na masyadong nahihirapan na makitaan ng ‘probable cause’ ang isang reklamo.
Subalit, ang hintayin ang mahigit sa apat na buwan bago aksyunan ang kaso ni Luz nitong si Agent Dugayon, aba teka, sobrang tagal naman n’yan!
Kung may duda ka sa kaso dapat sinabi mo agad na hindi ninyo ma-iindorso ito. Kung tutulungan ninyo naman kay tagal naman naghintay itong si Luz para madinig lang sa iyo na “I-FILE NINYO NA LANG NG DIRETSO…”
Hindi kaya kabastusan at katamaran ang ginawa mo sa kasong ito? Kapag ang ating mga kababayan ay dismayado sa mga inaasal ng mga taong inatasan upang aksuyunan ang kanilang reklamo, asahan mong mawawalan sila ng tiwala sa NBI at ito ay dahil sa agents na tulad mo Ruel Dugayon!
Kami’y makikipag-ugnayan sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang maasistehan si Luz na magsampa ng kasong Estafa.
(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog, ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending