EDITORYAL - Araw ng Kagitingan
Ngayon ay Araw ng Kagitingan o mas kilala sa tawag na Bataan Day. Ginugunita ngayon ang kagitingan ng mga sundalong Pilipino na lumaban sa mga Hapones noong Abril 9, 1942. Nakipagbakbakan sila kasama ang mga Amerikanong sundalo para maidepensa ang Corregidor pero hindi pa rin umubra sa puwersa ng mga Hapones na walang patid ang ginawang pambobomba. Libong Pilipino at Amerikanong sundalo ang namatay habang ipinagtatanggol ang Bataan. Maraming nabihag na sundalo at pawang sugatan.
Ang pinaka-matinding dinanas na mga Pilipino at Amerikanong sundalo ay ang paglalakad mula Mariveles patungong Capas, Tarlac na tinatayang 80 kilometro ang layo. Habang naglalakbay, mara-ming Pilipino at Amerikanong sundalo ang namatay sa gutom at pagod. Nagkasakit ang karamihan. Ang ilan na hindi na makalakad ay binabayoneta ng mga sundalong Hapones. May mga nagtangka umanong tumakas habang naglalakad subalit nahuli rin ng mga Hapones at mas matindi ang sinapit nilang kamatayan.
Ngayon, 66 na taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang pagbagsak ng Bataan at Death March, sariwa pa rin sa isip ng mga matatandang beterano ang lupit ng giyera. Hinding-hindi nila malilimutan ang walang kasingtinding hirap na dinanas para maipagtanggol ang Inambayan laban sa mga mananakop. Karamihan sa mga beteranong nasugatan ay nakatimo pa sa kanilang katawan ang tingga ng bala. Isang buhay na alaala ng kanilang pakikipaglaban. Marami sa kanila ang may mga bakas ng pahirap na habang sila ay nabubuhay ay naalala ang kalupitan ng mga Hapones.
Masakit nga lang ang katotohanan na sa kabila ng kanilang pakikipaglaban hindi pantay ang benepisyong natatanggap o natanggap sa pamahalaan ng Amerika. Ang mga kapwa beteranong Amerikano ay mas malaki ang natatanggap na pension at kumpleto pa sila sa pangangalaga. Parehas lang silang nagpakamatay sa pakikipaglaban pero mas prayoridad ang mga Amerikanong sundalo na tila ba sila lang ang nakatikim nang matinding hirap.
Walang katumbas na halaga ang kagitingang ipinamalas ng mga sundalo noong World War 2 partikular ang mga nagtanggol sa Bataan, sana ang kasalukuyang gobyerno ay makapagbigay pa ng tulong sa mga beterano at kanilang kaanak. Tulungan sila bilang pagtanaw sa ipinakitang kabayanihan at paglilingkod sa bayan.
- Latest
- Trending