Ngayon ang tunay na Pasko nating mga Kristiyano. Si Hesus ay nagkatawang- tao, nangaral, nagpagaling sa mga maysakit, nagpatawad, nagbigay ng buhay, nagpakasakit, inialay ang sariling buhay upang paglabanan ang kasamaan, namatay sa Krus at Muling Nabuhay. Resurexit, sicut dixit!
“Saksi kami sa lahat ng ginawa Niya sa lupain ng mga Judio at Jerusalem. Muli Siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nagpakita Siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi”. Sa pangaral ni Pedro ay sinabi niyang inatasan sila na mangaral sa mga tao at sila ang nagpatotoo na si Hesus ang itinalaga ng Diyos upang maging Hukom ng mga buhay at mga patay. Salmo 117: “Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo’t magdiwang”.
Tayo rin ay mayroong muling pagkabuhay kaya pagsumakitan natin ang mga bagay sa langit na kinaroroonan ni Hesus na nakaupo sa kanan ng Diyos. Pag-isipan natin ang mga bagay na panlangit hindi mga bagay na panlupa, sapagkat iyon ang tunay nating kaharian. Isinaad sa kasulatan na sina Maria Magdalena, Maria, ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus noong Linggo, tatlong araw ang nakalipas matapos ipako Siya sa Krus at mamatay.
Pagpasok ng mga babae sa libingan ay nakita nilang nakaupo sa gawing kanan ang isang binata, nakasuot ng mahaba at puting damit. Nagulat sila at biglang nagsalita sa kanila ang lalaki: “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Hesus, ang taga-Nazareth na ipinako sa Krus. Wala na Siya rito. Siya ay Muling nabuhay”. Sinabi pa ng lalaki na sabihin sa mga alagad ni Hesus lalo na kay Pedro na mauuna Siya sa kanila sa Galilea. “Makikita ninyo Siya roon, gaya ng sinabi Niya sa inyo”.
Kung ating ihaham-bing sa ating buhay itong nakaraang Mahal na Araw hanggang nga-yong Linggo ng Muling Pagkabuhay, ano naman kaya ang ating masasabi sa Diyos na ating Panginoon? Pinagninilay-nilayan ba natin ang kadakilaan ni Hesus na nagpakasakit at namatay para sa atin? Tayo ba’y nakisama sa tatlong araw na iyon upang muli tayong manikluhod, magpakasakit at humingi ng tawad sa ating nagawang kasalanan? Ano ang ating resolution sa Muling Pagkabuhay? Tayo ba’y taos-pusong nagpatawad at humingi ng tawad sa mga pinagkasalaan natin?
Gawa 10:34a, 37-43; Salmo 117; Colosas 3:1-4 at Marcos 16:1-7