NOONG Biyernes Santo, may mga lugar na bumuhos ang malakas na ulan. Kahapon, Sabado de Gloria ay maraming lugar din ang naging makulimlim at nagbanta ng pagbagsak ng ulan. Wari bang nakikiramay ang panahon sa paggunita sa kamatayan ni Hesus. Akala nang marami ay wala nang katapusan ang pagkulimlim at pagbabanta ng ulan. Isang napakalungkot na Semana Santa sa mga lugar na para bang wala nang pag-asa sa mga dinadalang problema ng mga tao sa kasalukuyan. Wala nang katapusan ang pagdating ng mga suliranin at tila mahirap nang makaahon.
Pero ngayong araw na ito, tatlong araw makaraang gunitain ang kamatayan ng Mananakop, nagpahiwatig ang langit na magiging maganda ang panahon sa buong bansa. Maging maaliwalas na para bang nakikiisa sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Maski ang Kawanihan ng Panahon ay nagsabing magiging maganda ang panahon. Walang anumang magiging hadlang o banta sa lagay ng panahon.
Maliwanag ang bukas at punumpuno ng pag-asa. Ito ang tanging mensahe na hatid ng Muling Pagkabuhay. Kahit na ang mga sinalanta ng kalamidad – baha, lindol, bagyo— ay malaki ang pag-asang makababa-ngon sila at makapagsisimulang muli. Makapagpapagawa muli sila ng mga bahay at makapagpupundar ng mga gamit na tinangay ng baha katulad ng mga biktima ng Sendong sa Cagayan de Oro City.
May pag-asa pang nakikita ang mga naging biktima ng masasamang loob. Ang mga magulang ng isang batang babaing ginahasa at pinatay sa Paco, Manila at Parañaque City noong nakaraang buwan ay naniniwalang makakamtan ang hustisya. Malaki ang pag-asa nilang magbabayad ang mga gumawa ng karumal-dumal.
Halos ganyan din kalaki ang pag-asa ng mga magulang ng isang batang lalaki na pinatay ng riding-in-tandem sa Taguig City. Hinablot ng tandem ang PSP game ng bata. Nang ayaw ibigay ng bata ay binaril ito. Pagkaraang isagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang tandem.
Malaki ang pag-asa. Hindi kailanman nawawala ang liwanag kundi nagkukubli lamang sa makapal na ulap. Katulad ng Muling Pagkabuhay ng Mananakop na ang hatid sa sangkatauhan ay walang hanggang pag-asa.
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa lahat!