EDITORYAL - Parusang kamatayan dapat sa mga Hudas
WALA nang kinatatakutan ang mga masasamang loob ngayon. Kahit maliwanag ang sikat ng araw, walang takot na sumasalakay at pumapatay. Nagnanakaw, nanghoholdap, nangangarnap at ang matindi pati mga batang babae na walang kamuwang-muwang ay ginagahasa at pinapatay.
Mga riding-in-tandem ang nagsasagawa ng krimen. Sa isang iglap, naisasagawa nila ang balak. Luminya na sa panghoholdap ang mga kilabot na riding-in-tandem at maski sa loob ng mall ay walang takot silang pumapasok.
Kagaya ng nangyari noong nakaraang Huwebes ng umaga, ilang minuto makaraang magbukas ang isang malaking mall sa Ortigas Avenue. Hinoldap ng dalawang lalaking nagpanggap na sekyu ang teller ng isang banko na nagdedeliber ng pera sa isang money changer. Napatay ang isang guwardiya at para makatakas nang walang hadlang, naghagis ng mga granada. Apat na katao na naglalakad sa gilid ng mall ang nasugatan. Nakatakas ang mga holdaper sakay ng dalawang motorsiklo.
Sa mga nangyayaring krimen na nagpapakitang wala nang kinatatakutan ang mga masasamang loob at tila wala nang halaga ang buhay ng kapwa para sa kanila, dapat na ngang ibalik ang parusang kamatayan laban sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen. Wala nang ibang paraan kundi ito. Kung lagi nang paniniwalaan na wala rin namang naibibigay na mabuti ang pagkakaroon nang death penalty at lumubha pa ang pagdami ng krimen, walang makukuhang peace and order ang bansang ito. Sa mga bansang may death penalty gaya ng China, Singapore at mga bansa sa Middle East, mababa ang krimen. May hatid na takot sa sinuman na gumawa ng krimen dahil ang parusa ay kamatayan.
Marami nang nagsasabi na dapat nang ibalik ang parusang kamatayan upang mapigilan ang paggawa ng kasamaan. At maski si PNP chief Director General Nicanor Bartolome ay sang-ayon dapat na ngang ibalik ang death penalty. Kung ang hepe ng PNP na ang nagsasabi na dapat ibalik ang bitay, talaga ngang malubha ang kriminalidad sa bansa.
Parusang kamatayan laban sa mga bagong Hudas na wala nang kinatatakutan. Ito lamang ang paraan para mapigil ang kanilang masamang lahi.
- Latest
- Trending