Foster Care Act
NALALAPIT nang maging batas ang Foster Care Act (Senate Bill 2486) na magtitiyak ng sapat na pagkalinga sa mga batang nasa mahirap na sirkumstansiya at hindi naaasikaso ng kanilang tunay na magulang. Ang panukala ay iniakda ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ipinasa ng Kongreso kamakailan.
Prayoridad na tutulungan ng panukala ang mga batang wala pang 18 taong gulang o mahigit pa pero hindi kayang pangalagaan ang kanilang sarili dahil sa kapansanan at nasa alinman sa sumusunod:
• Abandonado o pinababayaan.
• Biktima ng seksuwal, pisikal o iba pang uri ng pang-aabuso o eksploytasyon.
• May development and/or physical disability.
• Streetchildren, nasa armed conflict o digmaan, at biktima ng child labor o trafficking.
• Nasangkot sa minor offense at nasa ilalim ng “recognizance or custody supervision.”
Ang indibidwal o mag-asawa na magiging foster parent/s ay sasailalim sa masusing ebalwasyon, pagsasanay at dokumentasyon ng DSWD. Bibigyan sila ng foster family care license at gagawaran ng P25,000 tax exemption para sa bawat bata na kakalingain nila sa loob ng hindi bababa sa isang taon. Sasagutin naman ng pamahalaan ang pinansiyal na pangangailangan at insurance ng mga bata.
Kami ni Jinggoy ay naniniwalang karapatan ng mga bata na lumaki, umunlad at tumanggap ng sapat na pag-aruga sa loob ng isang normal, masaya at mabuting pamilya at tahanan. Sa mga batang hindi nakatatanggap ng ganitong pagkalinga sa kanilang biological pa-rents, dapat tiyakin ng pamahalaan ang foster care.
Ito ay bilang pagsasabuhay ng prinsipyo ng Child and Youth Welfare Code at United Nations Convention on the Rights of the Child. Ang hakbanging ito ay isa ring long-term solution sa problema ng juvenile delinquency.
* * *
Birthday greetings: Bishop Guillermo Afable ng Digos at Bishop Ricardo Baccay ng Tuguegarao (April 3).
- Latest
- Trending