Numero uno na naman!
TILA may paliwanag na kung bakit tumataas ang bilang ng mga karumal-dumal na krimen ngayon. Ayon sa ulat ng United Nations Drug Report, ang Pilipinas ang may pinaka-maraming gumagamit ng shabu sa Silangang Asya. Hindi biro iyon, dahil kasama sa rehiyong ito ang mga malalaking bansa katulad ng India at Indonesia! Halos 2.1 porsyento ng populasyon sa pagitan ng 16 hanggang 64 anyos ang gumagamit ng shabu! Mga sindikato sa China pa rin ang numero unong pinanggagalingan ng shabu, o ang tinatawag na “poor man’s cocaine”, pero nagiging aktibo na rin ang mga sindikato galing Africa sa rehiyon. Nakikita natin ito sa mga nakaraang buwan kung saan mga African nationals ang nahuhuling nagtatangkang magpasok ng iligal na droga sa bansa.
Hindi malayo ang kaugnayan ng iligal na droga sa krimen. Sa mga nakikita nating mga krimen ngayon, mga wala sa tamang pag-iisip na lang ang makakagawa nito! At dahil mura ang shabu kumpara sa mga ibang droga, kahit sino ay makakabili nito kung talagang gugustuhin! Kailan lang ay may na-raid na mga tindahan sa Pasig na bukod sa nagbebenta ng yelo, nagbebenta rin ng “bato” o shabu! At naka-paskel pa sa mga karatula nila! Patunay na walang takot ang mga ito sa otoridad, o nasa bulsa na rin nila ang mga otoridad! Lantaran ang pagbebenta sa isang lugar na hindi na kailangan ng karagdagang problema sa mga buhay nila.
Kung tama nga ang mga datos ng UN, mahirap na laban ang hinaharap ng Philippine Drug Enforce- ment Agency(PDEA). Isang malaking bahagi nito ay ang presyo ng shabu. Kung mananatiling mura at mabibili ninoman, talagang marami ang malululong sa bisyong ito, at tiyak tataas pa lalo ang bilang ng krimen. Kailangan maputol ang suplay ng shabu sa kalye, para maging ubod ng mahal yung mga makakalusot. Kailangan mahanap pa ang mga laboratoryo na gumagawa nito sa bansa. Kailangan mahuli ang mga miyembro ng sindikato at hindi lang yung mga tauhan. Nandito na sa bansa ang laban sa iligal na droga. Nagkaroon na naman ang Pilipinas ng isang “numero uno”, pero sa masamang katangian na naman! Dapat matanggal tayo sa pagiging numero uno sa masasamang bagay katulad ng korapsyon, masamang paliparan at ngayon, sa paggamit ng shabu!
- Latest
- Trending