Araw-araw Earth Hour sa Mindanao!
PUWEDE ba, Secretary Ramon Paje ng Department of Environment and Natural Resources, huwag ninyong gamitin ang Earth Hour bilang panakip-butas sa kapalpakan ng pamahalaan sa paghanap ng solusyon sa lumalalang power crisis sa Mindanao.
Habang ang higit 100 bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay ginawa ang Earth Hour 8:30 p.m. hanggang 9:30 p.m. kagabi, patuloy naman ang malawakang brownout sa Mindanao.
Hindi niyo ba napapansin na araw-araw ay Earth Hour sa Mindanao? Hindi nga lang isang oras ang brownout sa Mindanao kundi umaabot na hanggang kalahating araw na walang kuryente sa mas malaking bahagi ng katimugan.
At heto naman ang ating magiting na DENR chief na sinasabing pagkakataon ang Earth Hour para maipaalala ang kahalagahan ng pagtitipid at pangangalaga sa enerhiya at magsisilbi sana itong panggising sa mga mamamayan at makiisa sa pangangalaga ng ating kalikasan.
Ano ngayon ang ititipid na enerhiya kung wala ngang enerhiyang ititipid dahil sa lumalalang power crisis sa Mindanao?
At ang alam ko si Department of Energy Secretary Jose Rene Almendras ay humingi na ng tulong kay Communications Secretary Herminio Coloma upang mabawasan man lang ang bugbog na tinatanggap ng pamahalaang Aquino ukol sa problema ng kuryente sa Mindanao.
Pinakikilos na ni Coloma ang lahat ng communication agencies na nasa ilalim ng tanggapan niya gaya ng Philippine Information Agency, upang ipaalam sa buong mundo na may ginagawang hakbang ang Aquino administration sa matagal nang problema sa kuryente sa Mindanao.
Naku naman, as if ang solusyon sa power crisis sa Mindanao ay nakasalalay sa press releases.
Kasabay nito, kumpiyansa naman si Paje na mapapanatili ng Pilipinas ang record nitong may pinakamaraming lugar na nakikisali sa Earth Hour. Patuloy pa umanong dumadami ang kuryenteng natitipid at marami ang mga nagpahayag ng interes na makiisa at magpatay din ng ilaw sa kanilang lugar.
Hayun! Ang nais lang naman ni Secretary Paje ay ang makamit ng Pilipinas ang record nang pinakamaraming lugar na lalahok sa Earth Hour.
Huwag kang mag-alala, Secretary Paje. Talagang dadami ang lugar sa Pilipinas na makikisali sa Earth Hour dahil wala namang choice ang karamihan lalo na sa Mindanao sa gitna nang malawakang brownout.
- Latest
- Trending