EDITORYAL - Kalbaryo ng mga manggagawang menor-de-edad
TINATAYANG 2.4 milyong batang Pinoy (edad siyam hanggang 17) ang sumasabak na sa pagtatrabaho. Ito ang sinabi ng International Labor Organization (ILO). Napakarami nito. Sa murang edad, nakalantad na sila sa mabigat na trabaho na dapat ay nasa school sila at hinahasa ang utak sa pag-aaral. Nasaan naman kaya ang mga magulang ng mga batang trabahador? O sila pa ang nagtutulak sa mga ito para magbanat ng buto?
Ilang taon na ang nakararaan, isang pabrika ng sitsirya sa Caloocan City ang sinalakay ng mga awtoridad dahil sa tip na ang mga trabahador ay pawang mga menor-de-edad. Positibo ang tip sapagkat, nang mapasok ang bodega, tumambad ang mga bata na nagbabalot ng sitsirya, kornik, mani at iba pa. Mainit ang bodega sapagkat kulong na kulong. Sadyang tinaasan ang mga pa-der ng bodega para hindi marahil mabisto na mga menor-de-edad ang trabahador.
Napaka-miserable ng kalagayan ng mga bata sapagkat sa mismong malamig na semento sila natutulog. Stay-in workers sila na karamihan ay nirecruit pa sa probinsiya. Ang may-ari ng factory ay isa umanong Taiwanese.
Marami pang mga bata ang sapilitang pinagtatrabaho at kadalasang ang kanilang mga magulang pa ang nagtutulak sa kanila para magtrabaho. Sa halip na pag-aralin nila ang mga bata, inilalagay na sa balikat ng mga ito ang bigat ng responsibilidad.
Sa mga pagawaan ng paputok sa Bulacan, karamihan sa mga trabahahor ay mga kabataan. Nakalantad ang kanilang murang katawan sa pulbura na may magsindi lang ng posporo ay kasama silang sasabog.
Masaklap na may mga batang kinakalakal ang katawan para lamang kumita at kadalasang mga magulang pa nila ang humihikayat sa kanila sa ganitong trabaho.
I-monitor ng gobyerno ang mga batang sapili-tang pinagtatrabaho. Pakilusin ang Labor department at ang DSWD para matukoy ang kinaroroonan ng bata. Iligtas sila sa kuko ng suwitik na employer.
- Latest
- Trending