NAGPAKASAL sina Ramon at Cristeta noong 1958. Dahil parehong masikap at maabilidad, nagawa nila sa loob ng nakalipas na mga taon na magtayo ng isang matagumpay na restaurant business. Noong maging mayaman, nakuha na ni Ramon na magpasarap-buhay. Hindi nalalaman ng pobreng asawa ay nakipagrelasyon siya sa kung sinu-sinong babae, “business with pleasure” ika nga.
Noong namatay si Ramon sa gulang na 70, malaki-laki na rin ang kanilang kayamanan. Nagsampa ng kaso sa korte ang biyudang si Cristeta para ayusin ang naiwang ari-arian ni Ramon.
Sa pagdinig ng korte sa kaso, biglang sumulpot si Crispin. Nakikialam siya sa kaso bilang anak daw sa labas ng yumaong si Ramon. Kinontra ito ni Cristeta at kinuwestiyon ang karapatan ni Crispin na maghabol ng mana. Huli na daw siya. Lampas na siya sa hustong gulang nang mamatay si Ramon pero hindi siya gumawa ng anumang hakbang para kilalanin ng ama. Isa pa, magagawa lang daw nitong maghabol ng karapatan noong nabubuhay pa ang sinasabing ama pero hindi ngayon na patay na ito.
Nagdesisyon ang korte laban kay Crispin. Hindi na raw makakapaghabol ang lalaki bilang anak sa labas ni Ramon. Ayon kasi sa lumang batas (Art. 285 Civil Code) na ginamit sa kanyang kaso, malinaw na nakasaad na dapat maghabol siyang kilalanin ng magulang noong nabubuhay pa ito, maliban na lang kung 1) namatay ang sinasabing magulang noong menor de edad pa ang anak, o kaya b) matapos mamatay ang sinasabing magulang ay makadiskubre ng dokumento kung saan kinilala nito ang sinasabing anak.
Ang dahilan para sa batas na ito ay upang pigilin ang mga manggagantso na dahil natuksong maghabol sa malaking ari-ariang iniwan ng isang namatay ay magpapanggap na anak sila sa labas. Mag-iimbento sila ng kuwento at kunwari ay palalabasin nilang anak sila para lang makakuha ng mana. Kawawa naman ang namatay at ang pamilya nito.
Isa pa, tama lang na sumunod tayo sa proseso at bigyan ng karapatan hindi lang ang anak sa labas kundi pati ang sinasabing magulang na malaman ang totoo (Serrano vs. Aragon, 22 Phil. 18, Clemena vs. Clemena, L-21845, August 22, 1968).