HANGGANG ngayon, marami pa ring bayan sa Pilipinas ang walang fire stations, firetruck at maski fire extinguishers. Paano kaya ang ginagawa ng mga tao kapag sila ay nasunugan. Kanya-kanyang dala ng tubig at saka isasaboy sa nagliliyab na bahay o gusali. Kakatwa ito na marami pa palang bayan ang salat na salat sa mahalagang bagay. Isa sa mga dapat unahin ng isang bayan o lungsod ay ang pagkakaroon ng fire stations. Matutupok ang bayan kapag walang mga bumbero na magbabantay sa panahon ng sunog. Nararapat paglaanan ng pondo ng pamahalaan ang pagkakaroon ng fire stations sapagkat hindi biro kapag nagkaroon ng sunog.
Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, 645 na bayan sa buong bansa ang walang fire stations at maski firetrucks at fire extinguishers ay wala rin. Ang iba naman ay pinalad na nagkaroon ng firetrucks pero dilapidated. Pupugak-pugak ang mga firetruck na hindi makaresponde sa biglaang sunog. Bago pa makarating sa fire scene ay tupok na lahat ang mga bahay at gusali.
Sabi ni Rodriguez, kaya marahil maraming nagaganap na malalaking sunog ay sapagkat walang mga sapat na equipment para maapula ang sunog. Ayon pa sa mambabatas, mapaminsala ang apoy at hindi lamang mga ari-arian ang tinutupok kundi pati na rin ang buhay. Maaari naman umanong maiwasan at mahadlangan ang apoy kung mayroong sapat na equipment.
Noong Disyembre 19, 2010, 16 na katao na kinabibilangan ng 9 na nursing graduates ang namatay makaraang masunog ang tinutuluyang Bed and Breakfast Pension House sa Tuguegarao, Cagayan. Na-trap umano ang mga biktima sa second floor. Pero ayon sa mga saksi, naiwasan sana ang pagkamatay ng mga biktima kung meron kaagad nakarespondeng mga bumbero. Inabot umano ng ilang oras bago may nakarating na firetrucks at saka lamang napatay ang apoy. Malagim ang sinapit ng 16 na katao na hindi agarang natulungan dahil sa kawalan ng bumbero. Masaklap lalo pa’t ang 9 na nursing graduates ay kukuha ng board exam ng araw na maganap ang sunog.
Siguruhin ng pamahalaan na ang bawat bayan ay may sariling fire stations para makaresponde sa biglaang sunog. Pagmamasdan na lamang ba ang nangyayaring sunog?