'It's more fun in the Philippines'
(Unang bahagi)
ISANG KISKIS lang magdudulot na ng kislap at kapag matensyon na ang sitwasyon asahan mong magliliyab ang kapaligarin.
Nagsadya sa aming tanggapan si Evangeline Colak, 51 taong gulang isang Filipina na nakipagsapalaran sa Japan.
Madalas ang pagbalik niya mula sa Pinas at meron siyang mga Hapon na kasama na gustong mag-umpisa ng negosyo dito sa atin.
Hindi maganda ang dati niyang buhay ng siya ay makipagrelasyon sa isang pulis kung kanino siya nagkaroon ng dalawang anak.
Taong 1997 sumibat siya at nagtrabaho bilang ‘entertainer’ sa Japan.
Sa Nagano, Japan sila dinala at dun nakaranas siya umano ng matinding pagpapahirap.
Dinala sila sa isang building at tuwing gabi lang sila umano pinapakain na para daw silang hayop. Pinapasok lang ang pagkain sa maliit na butas sa kwarto. Kinukulong sila kapag tapos na silang magtrabaho sa club.
Nahirapan siya sa Japan. Sa tuwing magtatapon siya ng basura o bumibili ay simple siyang nag-aabot ng sulat.
May taong nagmalasakit sa kanya kaya nakatakas siya. Isang taon siyang naging “bilog” o ‘overstayed’ dahil wala na silang visa.
Nakakilala din siya ng mga ‘bilog’. Pinatira siya doon at tinulungang makahanap ng trabaho. Nakilala niya si Mustafa Colak, 36 anyos isang Turkish.
Dating’asylum seeker’ sa bansang Turkey si Mustafa na nabigyan ng special permit for residence sa Japan.
Gwapo at bata itong si Mustafa. Malambing, maasikaso at madiskarte sa buhay itong si Evangeline. Mabilis silang nagkagustuhan kahit na malaki ang tanda ni babae.
Napagpasyahan na ni Evangeline na iwan ang buhay entertainer at nagpakasal sila noong ika-27 ng Agosto 2001 at nagsama.
Nais ni Evangeline na makilala si Mustafa ng kanyang pamilya dito sa Pinas, Bago umuwi nagpunta daw sina Mustafa at Evangeline sa Philippine Embassy sa Japan.
Nagtanong sila kung anong mga dokumentong kailangang dalhin papuntang Pilipinas. Ang sagot daw sa kanila ay kung hindi naman daw lalagpas sa 21 araw ang pagbabakasyon sa Pilipinas ay hindi na kailangan ng mga dokumento at Visa dahil nasa Immigration Law ng Pilipinas ito.
Tatlong beses silang nakauwi dito at wala namang problema.
Noong ika- 9 ng Setyembre 2011, umuwi siya at si Mustafa sa Pilipinas dahil namatay ang tiyuhin ni Evangeline.
Hinarang sila sa Immigration sa airport. Hindi daw pwedeng makapasok ng bansa si Mustafa dahil kulang ang dokumento nito. Wala daw itong visa!
Ang sabi ng babae sa Immigration na kanyang nakausap ay, “Wow! Bago ito ha? Ngayon lang ako nakakita ng ganito”.
Pinakita daw ng babae sa isang ‘officer’ ang ‘traveling documents’ ni Mustafa. Ang kulay ‘brown’ na re entry permit sa Japan’ may numerong D08356.
Nag-usap ang mga ito. Na-hold ang asawa niya dahil wala daw itong ‘proper documents’ galing sa Philippine Embassy.
“Paanong kulang? Pang-apat na beses na namin nagpunta dito sa Pilipinas na parehong proseso lang ang ginawa ko?” sabi ni Evangeline.
Nagalit daw kay Evengeline at sinabihan na hindi daw dapat siya nagtatanong ng ganoon sa mga taga-Immigration.
Ang sabi daw ng isang ‘officer’ na lalaki ay “Ipasok na yan!”.
Nagulat si Evengeline na biglang hawakan ang kanyang asawa. Hindi daw masyadong marunong mag-Ingles at lalo na ng Tagalog. Pumiglas itong si Mustafa at dito na nagkaroon ng kaguluhan. Sigawan, hatakan at tulakan daw ang sumunod.
Nang humupa ang tension ikinulong daw sa isang kwarto itong si Mustafa at sila pa ang pinagbayad ng ‘accommodation’.
“Nakiusap ako kung pwede niyang sponsoran na lang ito dahil nga may patay pa silang pupuntahan para naman hindi masayang ang pamasahe at effort namin sa pagpunta dito”, sabi ni Evangeline.
Ayaw daw pumayag ng officer. Tinawag nito ang staff ng Jal Airlines para magmulta ng halagang Php50,000 dahil nagpasakay sila ng pasaherong walang visa.
Hindi naman maiwan ni Evangeline ang asawa. Napilitan si Evangeline na mag check in sa isang hotel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)
Sinabi ni Evangeline na kailangan niya ng ‘legal assistance’. Ang sagot daw sa kanya ay nagpapahinga na ang mga taga-abogado dun.
Uminit ang ulo ni Evangeline sa sagot sa kanya.
“Paano na lang kung tulad nito na may problema? Anong tulong ang mabibigay kung natutulog?” sabi ni Evangeline.
Maghintay lamang daw siya ng panibagong ‘shift’.
Nagpaalam siya sa taga-bantay ng kwarto na may kukunin siya sa baba. Sinamahan siya ng ‘staff’ ng JAL Airlines. Lumabas dahil may kukunin lang siya sa kanyang pinsan na si “Consuelo” na nasa labas lang.
Pagbalik niya ay ayaw na siyang papasukin. Hinarang siya ng guard at sinabing bawal na siyang pumasok dahil nakalabas na ito. Itatawag pa daw kay General dahil yun daw ang patakaran sa NAIA.
“Sino bang General yan?“ tanong ni Evangeline. Wala naman daw pangalan na sinagot.
Naghanap si Evangeline ng paraan. Pumunta siya sa kuhanan ng ‘gate pass’ Madami daw tanong sa kanya ang guard at magpapa- apruba pa raw kay General.
Nagalit si Evangeline at pinakita niya ang resibo na nagpapatunayan na naka-‘check in’ siya sa isang kwarto sa loob ng Airport kaya pinapasok siya.
Alas 6:00 ng umaga lumapit siya sa pumalit na leader.
“Kung sa akin yan wala yang problema dahil tatlong beses na itong nakabalik,” sabi daw ng kausap niya.
Nakiusap si Evangeline na kung pwede kahit isang araw lang manatili ang asawa niya basta huwag lang mapauwi. Hindi daw pwede dahil napirmahan na daw kagabi ang Order of Exclusion.
Binigyan siya ng kopya nito. Ang ground(s) for exclusion: Sec, 29 (A) 17, No entry Visa with fine and not properly documented.
Walang nagawa si Evangeline kundi ang umiyak. Nakita niya ang kanyang asawa na papasakay na sa eroplano.
“Ganito pala dito kapag nakursunadahan ka wala ka ng magagawa. Sa sarili kong bansa hindi ko maipagtanggol asawa ko,” sabi ni Evangeline.
Hiniling daw ni Evangeline ang mga pangalan ng mga naka-duty ng gabing iyon. Ang sagot daw sa kanya ay “Sure! Bakit may magagawa ka ba?” sabay ngiting aso at ibinigay ang mga pangalan na naka-duty sa isang papel.
“Tulungan niyo naman po kami. Wala namang kasalanan ang mister ko para tratuhin nila ng ganon. Para siyang kriminal na pinabalik sa Japan”, sabi ni Evangeline.
ABANGAN SA MIYERKULES ang karugtong ng storyang ito at ang mga detalye tungkol sa masalimuot na kaguluhan sa arrival area EKSKLUSIBO dito sa “CALVENTO FILES sa PSNGAYON.”
Masaya sana ang bakasyon nila Evangeline at Mustafa gaya ng sinasabi ng ating gobierno “IT’S MORE FUN IN THE PHILIPPINES” pero bangungot ang nangyari at pati mga kasama nilang Hapon na gustong mag-invest mabilis na sumibat baka makulong din sila.
Sa gustong dumulog, ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending