EDITORYAL - Ilan pa ang dapat bitayin bago magkaroon ng aral?
KAHIT mayroon nang binitay sa China dahil sa pagbibitbit ng droga, patuloy pa rin ang masamang gawain at tila walang aral na nakuha. Sariwa pa ang pagbitay sa tatlong Pinoy drug traffickers noong Marso 2011 pero marami pa rin ang pumapasok sa ganitong masamang gawain kapalit nang malaking halaga ng pera. Hindi natatakot kahit ang China at ang ibang bansa ay walang patawad. Ang batas ay batas at dapat igawad sa mga napatunayang nagbitbit ng droga. Gaya ng ginawa kina Ramon Credo, Sally Villanueva at Elizabeth Batain.
Ang tanong may aral bang nakuha? Mukhang wala sapagkat dalawang Pinoy na naman ang sinentensiyahan ng kamatayan noong Marso 16 dahil sa pagpapasok ng illegal na droga sa China. Ang mga Pinoy --- isang lalaki at isang babae ay nahuli noong Enero 25, 2011. Nahulihan sila ng 12 kilo ng heroin.
Hindi na natuto. Sa kabila na mayroon nang binitay ay marami pa rin ang nagtatangkang magpasok ng droga sa China. Masyadong nasilaw sa malaking halaga ng pera kapalit ng bibitbiting droga. Maaaring nakapagpasok na ng droga ang dalawang nasentensiyahan kaya nawili para magpasok muli. Hindi nila alam na iyon na pala ang huling araw na makikita ang liwanag ng mundo.
Noong nakaraang Pebrero 1, 2012, dalawang Pinoy ang naaresto sa Macau dahil din sa drug trafficking. Sinalakay ng mga pulis ang tinitirahang apartment ng dalawang Pinoy at nakuha ang 46 grams ng shabu na may street value na 90,000 patacas o US$11,392.405. Bukod sa shabu, nakakuha rin ng drug paraphernalias sa apartment.
Ilan pa ba ang dapat bitayin bago tuluyang magkaroon ng aral ang mga taong nagbabalak magbitbit ng droga? O wala nang pag-asang magbago pa dahil nasisilaw sa kinang ng pera?
- Latest
- Trending