KAAWAAWA naman ang sinapit ng mga tenant sa nasunog na Ever Gotesco Grand Central Mall sa Caloocan City. Mantakin n’yo, matapos maabo ang kanilang mga puwesto, nalimas pa ang kanilang mga paninda. Maging ang mga kaha de yero ay pinalakol. Mukhang nagtulung-tulong ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at Fire Volunteers sa paglimas ng paninda sa loob ng mall.
Bagamat sinibak na si Fire Marshall F/Supt. Oscar de Asis matapos ireklamo ng kanyang mga tauhan na amoy alak ito nang dumating sa fire scene at kulang sa kaalaman bilang fire officer, dapat din siyang sisihin dahil nagkulang siya sa pag-supervised sa kanyang mga tauhan. Ngunit ang ngitngit ni DILG secretary Jesse Robredo ay hindi dapat nakatuon lamang kay De Asis dahil dapat ding managot ang security agency ng Ever Gotesco sa pagkawala ng mga paninda.
Magagaling pumili ang mga kawatan dahil ang pinuntirya ay mga stall ng cell phone dahil madaling maibulsa sa naglalakihang bulsa ng uniporme. Noong usok pa lamang ang lumalabas sa pintuan ng mall, hindi pinayagan ng mga sekyu na makapasok ang mga bumbero kaya hindi naagapan sa pagliyab. Nang tuluyang maabo ang mall naglaho na rin ang mga sekyu. Dapat may masampolang bumbero si Robredo. Kapag hindi napigil ang kanilang pagiging kawatan mawawala ang tiwala ng mamamayan. Lumalabas na nag-free for all na ang paghakot ng ilang bumbero sa mga paninda habang naglalagablab ang mall.
Ang panawagan ng mga negosyante kay Robredo ay papanagutin si De Asis sa lahat nang nawawala nilang paninda. Ewan ko lang kung may kamandag pa si Robredo na panagutin si De Asis gayong sinibak na ito sa puwesto. Abangan!