HUWAG natin agad paniwalaan ang prediksyong ito at lalung huwag tayong mataranta dahil wala pa namang teknolohiya na makatutukoy sa tiyak na oras ng pagda-ting ng lindol.
Pero walang masamang maghanda kung may namimintong sakuna. Bukod sa pisikal na kahandaan ay lakipan ng panalangin na ipag-adya tayo ng Dios sa ano mang malagim na kalamidad. Ito ang nagbunsod sa Intercessors for the Philippine sa pamumuno ni Bishop Dan Balais para idaos ang 21-day prayer and fasting na sinimulan noong Marso 15 at matatapos sa Abril 4 para mapigil ang kalamidad na ito.
Subukan ninyong puntahan sa internet ang Terral03.com. Matutunghan ninyo ang isang warning na may kasamang video. Ayon sa website maaaring maganap ang lindol anumang oras at may posibilidad na tumagilid ang mundo ng 5 pulgada sa normal nitong axis dahil sa isang magnitude 9 earthquake na nakaambang maganap. Ito raw ay ayon sa kanilang pananaliksik. Matinding tatamaan daw ng pagyanig ay ang California.
Marami nang naganap na killer quakes sa nakalipas na ilang buwan na ang pinakamalala ay yung nangyari sa Japan na nagdulot pa ng tsunami na kumitil ng libo-libong buhay. Ngunit ang sinasabing lindol ngayon ay mas malakas kung mangyayari nga.
Ang prediksyon ay batay daw sa 188-Day Cycle pattern of seismicity na inoobserbahan sapul pa noong 1965. Sa loob ng cycle na ito, nangyari ang lindol sa Chile, Japan, at ang naganap sa Fiji nitong nakalipas na ilang buwan. Sa lahat daw ng mga pagyanig na ito, nagkaroon na ng pagtagilid ang daigdig na kabuuang 3-pulgada mula sa axis nito. Ang pahimakas daw ng pangyayaring ito ay ang pagiging aktibo ng mga bulkan (bagay na nangyayari dito sa atin at ibang bansa) at ang maramihang paglikas ng mga hayop. Masyadong mahaba at highly technical ang artikulo sa website kaya kung interesado kayo at mayroon kayong internet, tumungo na lang sa nabanggit nating website.
Hindi natin layuning maghasik ng pagkatakot pero tulad ng nasabi ko, walang masama sa paghahanda at lalung walang masama kundi puro buti kung tayo ay laging mananala- ngin at tatawag sa Panginoong Diyos na siyang tangi nating pag-asa’t kaligtasan.