NOONG 2010, natuklasan ng mga health expert na sa 26,000 na kaso ng tuberkulosis (TB), 14,527 sa mga ito ay mga bata. Pawang sa mga mahihirap na lugar nakatira ang mga bata na pawang salat sa nutrisyon, at marumi ang kapaligiran. Nakapanlulumong isipin na ang mga walang malay na bata ay kinapitan ng mycobacterium tuberculosis at ito ang kanilang ikinamamatay. Hindi na nila naranasang lumaki pa sapagkat maaagang pinutol ng sakit ang kanilang buhay.
Pagkahawa sa kanilang mga kasama sa bahay ang dahilan kaya nagkaroon sila ng sakit. Pasalin-salin ang sakit sapagkat maaaring malanghap ang droplets na nasa hangin. Kapag bumahin o umubo ang isang infected na tao, sasama ito sa hangin at malalanghap ng kahit sino. Maaari rin namang mailipat ang microorganisim sa sanggol habang nasa sinapupunan ng inang may sakit na TB.
Isa sa mga pangunahing sakit ang TB sa bansa na kumikitil nang maraming Pinoy. Isa mga pinaka-unang kaso ng TB sa bansa si Commonwealth President Manuel L. Quezon. Kasagsagan ng World War 2 nang magkasakit siya ng TB. Namatay siya sa New York noong 1944 dahil sa TB. Mula noon, naging maigting na ang kampanya ng gobyerno laban sa sakit. Itinayo ang isang ospital --- ang Quezon Institute (QI) para sa mga may sakit na TB.
Lubha nga lang nakapagtataka na patuloy pa rin pala ang pananalasa ng sakit sa kabila na may kampanya laban dito at ang nakatatakot pa ay maraming bata ang namamatay. Unti-unti silang iginugupo ng sakit at maaaring hindi alam ng kanilang mga magulang na ang kanilang mga anak ay mayroong TB. Kulang sila sa kaalaman ukol sa sakit.
Paigtingin ng gobyerno ang kampanya laban sa TB. Ipaunawa sa lahat na ang TB ay maaaring gamutin at hindi dapat ipagwalambahala. Siguruhing ang lahat ng mga bata ay mabibigyan ng vaccine --- Bacille Calmette Guerin (BCG) upang mailigtas sila sa nakamamatay na sakit. Unahin ang kalagayan ng mga bata kaysa anupaman.