LAHAT ng opisina ay may politika. Mapa-janitor o presidente, at lalo na managers at supervisors, ay apektado. Lahat ng libro sa management ay may bahagi tungkol sa intrigahan, balyahan, siraan. Payo ng karamihan: Dahil natural ang paghangad ng asenso sa pagtapak sa iba, makipaglaro na lang. Pero bawasan ang tindi.
Samantala, payo rin ng management books na iwasan hanggang maari ay iwasan ang ilang uri ng sitwasyon o tao sa opisina. Ito ang:
Ligawan at landian. Lalo na sa mga may asawa, hindi tama ang magpakita ng romansa. Mapapahamak hindi lang ang kaopisina kundi pati asawa’t anak. Baka mauwi sa hiwalayan at demandahan.
Workaholic. Akala ng ilang managers ay mabuting subordinate ang workaholic, dahil walang nasa isip kundi trabaho, trabaho, trabaho. Hindi nila alam, karamihan ng workaholic ay may problema sa bahay o sa relasyon sa kapwa, kaya sumpungin o mainitin ang ulo. Hindi buo ang pagkatao ng workaholic, kaya delikadong kaopisina.
Palaangal. May mga kaopisina na wala nang nakitang mabuti sa paligid. Laging umaangal tungkol sa boss, sa tauhan, sa pasilidad, sa lamig o init ng aircon, sa pagkain sa canteen, atbp. Iwasan sila.
Kakambal ng palaangal ang mahilig magpalusot. Marami itong katuwiran kung bakit hindi magampanan ng tama ang trabaho. Kesyo puyat palagi dahil sa tahol ng aso ng kapitbahay magdamag, o satsatera ang misis, o pababoy ang anak. Kung ikaw ang may problema, ipaabot ito sa pamamagitan ng ibang kaopisina o sa asawa.
Nagpapasa ng trabaho. May mga kaopisina na ganyan. Iwasan sila. Kung boss mo ang ganyan, tiisin.
Nakatingin sa relo. Huwag sasama sa tamad, mapapahamak ka.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com