Taxi drayber sinilid sa trunk

“MARAMING salamat sa mga pulis ng QCPD Police Station 6 at nailigtas nila ang buhay ko.” Ito ang nauutal na sinabi ni Leo Cancino matapos mailabas sa loob ng trunk ng kanyang minamanehong Lai La Union Isabela taxi na may plakang UVM-532 matapos ang engkuwentro sa isang check point sa may kahabaan ng Payatas Road, Group-5, Payatas, Quezon City kahapon ng madaling araw. Ayon kay Cancino “Naisakay ko po ang tatlong katao sa may Hi-top sa Quezon Avenue mga bandang ala-una ng madaling araw, at nagpapahatid po sila sa may Tandang Sora, kampante naman ang aking pagmamaneho dahil mukhang desente naman ang kanilang mga ayos, ngunit nang sumapit na kami sa may Luzon Avenue ay bigla nila akong tinutukan ng baril at tinalian ng masking tapes sa kamay at paa at pinasok sa loob ng trunk ng aking taxi”. Mula roon ay wala na siyang nakita maliban na lamang nang huminto ito panandali sabay sibad patungo sa hindi malamang dereksyon.

Makalipas ang may isang oras na biyahe, nakarinig siya ng putukan kaya pilit siyang lumikha ng ingay para makatawag ng pansin sa mga tao. Napansin siya at inilabas sa trunk. Nakita niya ang mga pulis at ang dalawang holdaper na nakabulagta sa magkakahiwalay na lugar na pawang duguan.

Ganoon na lamang ang kanyang pasasalamat at ligtas siya. Epektib ang check point na inilatag ni Sr. Insp. Robert Razon ng gabing iyon. Isa lamang si Cancino sa libo-libong kababayan na nailigtas ng pulis sa kalye. Kasi nga kung magtatrabaho lamang ang lahat ng pulis sa araw man o sa gabi tiyak na makakabingwit sila ng mga pusakal sa kalsada. Saludo ako sa ipinakitang gilas nina Supt. Ronnie Montejo at Sr. Insp. Robert Razon matapos mailigtas si Cancino. Congratulations mga Sir! Tiyak na maging si QCPD director Chief Supt. Mario Dela Vega ay babango na kay PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bar­­tolome at makakasigurong mailalagay sa ma­gan­dang puwesto at promotion sa hinaharap.

Halos ilang oras pa lamang ang nakalilipas ng mapatay rin ng mga pulis ni Dela Vega ang dalawang holdaper na tangkang holdapin ang gasoline sta­tion sa may Sabarte Extention. Mukhang totoo na itong pinakikitang ka­sipagan ni Dela Vega sa pagbibigay ng protek­syon sa mga mamamayan ng Quezon City di tulad noong panahon ni Chief Supt. George Regis na nama-yagpag ang mga kriminal kabilang na riyan ang mga Riding-in-Tandem.

Mabuhay ka Sir!

Show comments