ALAM ba ninyo na maraming benepisyo ang pagkain ng isda? Ang isda ay mababa sa calories at mababa rin sa kolesterol. Maraming protina, bitamina at minerals ang isda kumpara sa karneng baboy at baka. Bukod dito, punumpuno pa ng Omega-3 fatty acids ang isda, lalo na ang sardinas, mackerel, tilapia at salmon.
Ang pagkain ng isda ay makatutulong sa pag-iwas at pagpapagaling ng mga sakit na ito:
Asthma o hika – Ang mga batang mahilig sa isda ay mas hindi hinihika.
Para sa utak at mata – Ang isda ay sagana sa omega 3 fatty acids na mabuti sa ating utak at retina (likod ng mata).
Kanser – May tulong ang omega-3 fatty acids sa pag-iwas sa maraming kanser tulad ng kanser sa suso, obaryo, prostate, bibig at lalamunan.
Sakit sa puso – Ayon sa American Heart Association, ang pagkain ng isda ng 3 beses sa isang linggo ay nakababawas sa sakit sa puso, pagbabara ng ugat, abnormal na tibok ng puso at mataas na kolesterol. Ang isda ay talagang para sa puso.
Pagkaulyanin o dementia – Para huwag magkaroon ng Alzheimer’s disease, kumain ng isda. Para tumalino ang mga bata, kumain din ng isda.
Pagkalungkot – Ang mga mahilig kumain ng isda ay mas hindi nade-depressed, dahil nga din sa napakasustansyang Omega-3 fatty acids.
Diabetes – Mas mako-kontrol ang blood sugar ng mga diabetic kapag isda ang kakainin nila. Ipalit ang masustansyang taba ng isda sa masamang taba ng baboy at baka.
Arthritis at psoriasis – Nakababawas ng sintomas ng arthritis ang regular na pagkain ng isda.
Pero mayroon ding mga dapat ingatan sa pagkain ng isda:
1. Mag-ingat sa mercury contamination. May mga isda na nakakain ng polusyon sa dagat na ma kasasama din sa ating kalusugan. Ang mercury ay masama sa buntis at sanggol.
2. Puwedeng magka-bad breath kapag malalansang isda ang iyong kakainin.
3. Puwede ka ring ma-tinik kapag hindi maingat.
4. Lutuin ang isda maigi.
5. Isang paalala: Mag-ingat sa seafoods, lalo na ang tahong at talaba. Kaunti lang ang kainin at baka malason tayo sa red tide.
Sa pangkalahatan, mas marami pa rin ang benepisyo sa pagkain ng isda kumpara sa peligro nito. Kumain ng isda para sa ating kalusugan!