KASUNOD ng Pulse Asia Survey na nagsasabing 47 porsyento ng mga Pilipino ay naniniwalang guilty si CJ Renato Corona, tahasan namang sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi sila patatangay sa resulta ng survey sa isinasagawang trial.
Hayy, ibang klase talaga ang impeachment trial! Wala yatang sub-judice rito tulad ng sa mga regular na Korte. Kaya nga sinasabing sui generis. Unique, kakaiba at nag-iisa.
Sabi nga ni Enrile na lead judge sa paglilitis, ano pa ang silbi ng pagkakaroon ng impeachment court? Eh di magdepende na lang sa survey at hatulan ang isang nasasakdal? Oo nga naman.
Sa takbo ng trial sa nakalipas na dalawang araw, tila puro kastigo ang tinamo ng prosekusyon dahil sa mali-maling presentasyon ng mga ebidensya tulad ng mga titulo ng lupa na sinasabing kay Corona pero kanselado na pala at naisalin na sa ibang nakabiling may-ari.
Ngunit lubhang maaga pa para humatol kung guilty nga o hindi si Corona. Sa tingin ko naman ay tototohanin ng impeachment court ang pahayag ni Enrile na hindi sila aasa sa survey kundi sa merito ng mga ebidensya sa kaso.
Kahanga-hanga naman ang Senado at talaga mabusisi at matalino ang ginagawang proseso sa pagdinig sa kaso laban kay Corona.
Pero wish ko lang, wang naman sanang magpakita ng sobrang katarayan si Sen. Miriam dahil sobrang naiinsulto ang testigo. Ang tinutukoy ko ay si LRA administrator Eulalio Diaz III, testigo para sa prosecution.
Ngayon pa lamang ay nagsisimula na ang pustahan kung sinu-sinong Sena-tor Judge ang magko-convict kay Corona at kung sino ang magpapawalang-sala.
Medyo hirap manghula dahil tila karamihan sa mga Senador ngayon gaya nina Miriam Satiago, Bongbong Marcos, Loren Legarda at maging si Jinggoy Estrada ay nag papakita ng pagka-irita sa opisyal na LRA na kamag-aral ng Pangulo dahil sa magulong presentasyon ng mga titulo ng lupa porke pati mga ari-ariang hindi na kay Corona ay isinama pa sa mga ebidensya.