Editoryal-Sige, tugisin pa ang tax evaders

MERON na palang aarestuhin at ikukulong dahil sa hindi pagbabayad ng tax. Ang babaing negosyante ay hindi nagbayad ng buwis na umaabot sa P6.3 million mula pa noong 2005. Guilty ang babaing negosyante sa tax evasion charges na isinampa ng Court of Tax Appeal at Supreme Court. Ang negosyante ay distributor ng Forever Living Products. Ikukulong ang negos-yante ng apat na taon at pagbabayarin ng P20,000 bilang multa.

Ito ang kauna-unahang kaso na mayroong kinasuhan at makukulong na tax evaders. Matagal nang panahon ang pamamayagpag ng mga mandaraya at hindi nagbabayad ng buwis at ngayon lamang may mapaparusahan. Malaking tagumpay ito para sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sapagkat mula nang maupo si Commissioner Kim Henares sa puwesto ay wala siyang pahinga para habulin ang mga mandaraya ay ayaw magbayad ng buwis. Masisiyahan ang mamamayan kung hindi lamang paisa-isa ang pagtatapon sa kulungan ng mga napatunayang tax evaders kundi maramihan na. Maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa BIR kapag maraming tax evaders ang mapaparusahan.

Maraming tax evaders ang binulgar ni Henares at kabilang dito ang may-ari ng pawnshop na bumili ng mamahaling Lamborghini. Idineklara ng may-ari ng pawnshop na nalulugi ang kanyang kompanya kaya hindi makapagbayad ng buwis pero ang sabi ng BIR, bakit nakabili siya nang mamahaling sasakyan kung hindi kumikita ang kanyang pawnshop. Wala pang balita kung ano ang ginagawang hakbang ng BIR ukol sa may-ari ng pawnshop.

Kinasuhan din ng BIR ang isang comics writer at movie director dahil sa hindi pagbabayad ng buwis. Hanggang ngayon din, wala pang bagong development sa kaso ng tax evaders na comics writer at director.

Marami pang hindi nagbabayad ng buwis at patuloy na niloloko ang bayan. Maaring karamihan sa kanila ay maiimpluwensiya at pilit na naghahanap ng paraan kung paano maiiwasan ang BIR. Dapat pang magpursigi si Henares sa pagtugis sa mga hindi nagbabayad ng buwis.

Show comments