SA talumpati ni President Aquino sa pagtatapos ng Philippine Military Academy(PMA), hinikayat niya ang lahat ng mga magtatapos na labanan ang korapsyon. At hindi lang ang korapsyon, kundi ang tukso ng korapsyon at sariling interes. Tama ang mga pahayag ng presidente, sa pinaka-sagradong institusyon ng militar. Dito hinuhubog ang mga magiging tinyente ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, patungo sa kanilang pagiging tunay na sundalo ng Republika.
Kaya rin ganun ang talumpati ni Aquino sa mga nagtapos, ay dahil may mga naligaw ang landas mula sa PMA at naging kriminal. Mga heneral o iba pang mataas na ranggong sundalo na inisip gamitin ang kanilang kapangyarihan at posisyon para mandambong o di kaya’y maging malupit. Mga pumanig sa mali, at hindi sa mamamayan. Mga inisip na sila ang dapat masunod, at hindi ang boses ng taumbayan. Mga sundalong naging kriminal. Hindi dapat mangyari iyon, lalo na sa mga nanggaling sa institusyong ito. Hindi nga naman dapat maging kalaban ng tao at ng estado ang isang pinag-aral ng bansa.
Paalala rin ni Aquino, na kapag nahaharap sa tukso, ay tandaan ang araw ng kanilang pagtatapos, noong sariwa pa sa kanilang isipan, sa kanilang damdamin ang katapangan, integridad at katapatan na nakaukit sa mga dingding at gusali ng PMA. Aanhin ang ilang halagang pera kung ang kaluluwa naman ang kapalit? Bakit palalampasin ang isang krimen na nakikita, sa halagang ilang pera lamang? Buong buhay mo rin itatago ang nakaw na yaman dahil sa panahon ngayon, nalalantad na ang mga ganyang klaseng krimen. Kapag malinis ang isang administrasyon, isang administrasyon na para sa tao, nahahanap na ang mga tinatagong krimen!
Nakalulungkot talaga kapag may nababalitaan tayong sundalo, na galing pa sa institusyong ito, na nasasangkot sa krimen o sa katiwalian. Ang iba, marahas pa nga, na hindi mo maiisip magagawa ng isang nanggaling sa PMA. Kung ganun ang nangyayari sa mga sundalo, sino na ang magtatanggol sa mamamayan? Sino na ang kanilang kalasag laban sa mga kaaway ng bansa, mula sa dayuhan man o lokal? Sino pa ang maiiwan na sundalo ng Pilipino?